Sinimulan na ng gobyerno ang pagbabakuna sa 5-11 age group upang maprotektahan ang mga ito sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa Department of Health (DOH).
Ang nationwide vaccination ay kasabay na rin ng ikatlong 'Bayanihan, Bakunahan' program ng pamahalaan na pinalawig hanggang sa Biyernes, ayon sa pahayag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Lunes, Pebrero 14.
"Kailangan magpatuloy ang ating pagbabakuna para mabigyan ng todo protection ang ating vulnerable population," banggit ni Vergeire.
Pagbibigay-linaw ng DOH, dapat munang magpalista ang mga magulang sa mga local government unit (LGU) na nakasasakop sa kanila at magdala ng mga valid IDs para mabakunahan ang kanilang anak.
Kamakailan, hiniling ng dalawang magulang sa hukuman sa Quezon City na ipahinto ang pagbabakuna sa 5-11 age group dahil sa binibigyan ng kapangyarihan ang pamahalaan na payagan ang mga bata na maturukan kapag tumatanggi ang mga magulang.