Dapat parusahan ang mga indibidwal na nagkukunwari sa kanilang mga sakit para makakuha ng benepisyo mula sa Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealths, sabi ni dating senador Joseph Victor “JV” Ejercito.

Sa isang kamakailang panayam, sinabi ni Ejercito na dapat imbestigahan ang mga ulat ng mga pasyenteng nakikipagsabwatan sa mga doktor at ospital para magbigay ng mga maling account ng kanilang mga sakit upang makakuha ng access sa mga benepisyong inilaan para sa malalang kondisyon.

“Kahit hindi COVID, dinedeklarang COVID para makakuha sa PhilHealth. It’s not really PhilHealth lang talaga ang may problema dito,” ani Ejercito sa panayam sa The Chiefs nitong weekend.

“It’s a collusion. Pasensya na, pero may ospital, may doktor, at may PhilHealth. So, talagang sabwatan ‘yan,” pagpupunto niya.

Sinabi ni Ejercito, na naghahangad na makabalik sa Senado sa darating na halalan sa Mayo 2022 na ang pagkabigo ng mga nagpapatupad ng batas na hulihin ang mga lumalabag ay naghihikayat pa ng mga katulad na kalakaran.

“Dapat talaga may maparusahan dito. In general, sa lahat ng corruption cases o scams, parang walang napaparusahan sa’tin,” ani Ejercito.

“Kaya walang nagtatanda. Walang natatakot,” dagdag ng dating mambabatas.

“Nakakalungkotbut let us be honest. Walang big fish na nahuhuli sa’tin. Walang nakukulong. That’s the sad reality of our judicial and political system,” pagpapatuloy ni Ejercito.

Nauna nang nangako si Ejercito na pangangasiwaan ang pagpapatupad ng Universal Health Care Act o ang UHC Law na kanyang itinaguyod at itinulak sa Senado sakaling manalo siya ng isa pang termino sa darating na botohan. Ang batas ay nag-uutos sa PhilHealth na ipatupad ang mga patakaran at regulasyon ng batas ng UHC.

Ayon kay Ejercito, mas gusto niya ang PhilHealth na pinatatakbo ng mga eksperto sa pananalapi upang mapabuti ang ahensya ng health insurance na pinapatakbo ng estado at ang mga mekanismo nito para sa pananagutan.

“This is really not a health agency. This is more of a fund management agency. Dapat ang i-appoint po dito financial management expert with actuarial knowledge,” aniya.

Hannah Torregoza