Hindi nababahala sa kabi-kabilang endorsements na natatanggap ng kanyang mga karibal si Presidential candidate at Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at sinabing ang pinakamahalagang pag-endorso sa lahat ay mula sa sambayanang Pilipino.

“Ang pinakamahalagang endorsement na gusto kong makuha ay si ordinaryong Juan dela Cruz, si Petra, si Maria, yung mga tao sa kalsada, yung mga tao sa bahay, yung mga taong tunay na sasali upang iluklok ang kanilang pangulo,” ani Domagoso.

Hiningan ng reaksyon ang Aksyon Demokratiko standard bearer sa pag-endorso ng Catholic charismatic group na El Shaddai kay dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa kanyang running mate na si Davao City Mayor Sara Duterte.

“So yun ang gusto kong endorsement, endorsement ng taong bayan. I am not bothered, basta ang importante, andiyan ang taong bayan, nandiyan yung silent majority, nararamdaman namin sila, masaya na po kami,” dagdag niya.

Sinabi ni Isko na nananatili siyang hindi natitinang dahil sa mainit na pagtanggap at napakalaking suporta na natatanggap niya at ng kanyang mga kapwa kandidato sa Aksyon Demokratiko mula sa mga ordinaryong mamamayan.

“Nakita niyo naman, ipinagpapasalamat ko, yung taongbayan mismo ang gumagastos pag nagmo-motorcade kami. Binibigyan kami ng pagkain, tubig, rosary, mga religious items, bulaklak, gumagastos talaga sila. So, very heartwarming,” sabi ni Domagoso.

Sinabi rin ng alkalde ng Maynila na ipaubaya niya sa taumbayan ang desisyon kung sino ang iboboto.

“Basta ako magtutuloy-tuloy tayo, walang susuko, tuloy ang laban, at tayo’y maghahanap ng mga tunay na solusyon at mabilis na aksyon na siyang papakinabangan ng tao,” sabi ng presidential aspirant.

Nangako si Domagoso na tutugunan ang mga problema ng kahirapan, gutom, kawalan ng trabaho, hindi pagkakapantay-pantay, at kawalan ng hustisya sa lipunan sa bansa sakaling mahalal siya bilang pangulo. Ito ang mga pangunahing haligi ng kanyang 10-Point Bilis Kilos Economic Agenda

Terence L. Ranis