Nilinaw ni Bishop Ted Bacani ang naunang endorsement ng El Shaddai kay Presidential aspirant Bongbong Marcos. Aniya, “personal endorsement” lang umano ito ni Bro. Mike Velarde dahil hindi nito kinonsulta ang buong El Shaddai DWXI Partners Fellowship International Incorporated.

“Yung endorsement na yun ay hindi endorsement ng buong El Shaddai. Ito po ay personal endorsement ni Bro. Mike Velarde. Si Bro. Mike Velarde po ang founder at servant leader ng El Shaddai ngunit hindi siya ang El Shaddai DWXI Partners Fellowship International Incorporated. Ito po ay mas malawak at mas malaki sa kanya,” opisyal na pahayag ni Bacani sa isang Facebook video nitong Lunes, Pebrero 14.

Dagdag ng over-all spiritual adviser ng El Shaddai, hindi umano kinonsulta ni Velarde ang mga elders maging ang ilang pinuno ng religious group.

“At sa kanya pong pag-endorso kay BBM, hindi po nya kinonsulta ang mga elders. Hindi rin niya kinonsulta si Bishop Jess Mercado, na bishop ng Paranaque na sumasakop sa spiritual center ng El Shaddai. ‘Di niya kinunsulta si Sonny de Claro, spiritual director ng El Shaddai. Hindi niya ako kinonsulta, spiritual adviser ng El Shaddai. Kaya po yun ay personal endorsement niya,” paglilinaw ni Bacani.

Gayunpaman, kinikilala ni Bacani na may karapatang mag-endorso ng kanyang napupusuang kandidato si Velarde at parehong malaya rin ang mga kasapi ng El Shaddai na pumili ng nais nitong kandidato bilang mamamayan ng bansa.

Kasunod namang iginiit ni Bacani na “maling-mali” ang endorsement ni Velarde kay BBM na inihalintulad pa niya sa sitwasyon kung nagkaroon ng anak si Hitler, kilalang na diktador na nagpapatay sa nasa anim na milyong Jews noong World War II.

“Ang endorsement ni Bro. Mike [Velarde] kay Bongbong Marcos, sa aking pananaw, ay maling-mali sapagkat kung meron may i-endorse na President, hindi po si Bongbong Marcos.”

Inungkat din ni Bishop Bacani ang mga naging atraso ng mga Marcos sa bayan dahilan para maging mali ang naunang pasya ni Velarde.

“Si Bongbong Marcos ay nag-aalab daw ng pagkakaisa ngunit ni hindi pinagsisihan at ng kanyang pamilya ‘di pinagsisisihan ang kanilang ginawa noong nakaraang Martial Law at yung pagdarambong, na naganap noon na hindi na ipagkakailala. Bilyon ang mga nadambong nung panahon na yun. Hindi lamang po milyon at marami nang nakuha muli ang gobyerno. Kanya, mali po yun,” ani Bacani.

“Kanya, sa lahat ng mga kasapi ng El Shaddai, malaya kayong pumili ng inyong gustong piliin para Presidente,” paglilinaw ni Bacani.

Wala pang pahayag si Velarde at ang kampo ni BBM kaugnay nito.

Basahin: Bongbong Marcos, hindi na nagulat nang i-endorso ng El Shaddai – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid