Patuloy ang pagbaba ng mga naitatalang bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ito’y matapos na iulat ng Department of Health (DOH) na nakapagtala na lamang sila ng 2,730 bagong kaso ng sakit nitong Lunes, Pebrero 14, Araw ng mga Puso.
Ang naturang bilang ay mas mababa pa kumpara sa 3,050 new cases lamang na naitala ng DOH noong Linggo, Pebrero 13.
Nakapagtala na ang Pilipinas ng kabuuang 3,639,942 kaso ng sakit.
Sa naturang bilang, 2.1% na lamang naman o 76,609 ang mga aktibong kaso pa o maaari pang makahawa.
Karamihan naman sa aktibong kaso ay pawang mild cases lamang na nasa 69,574 habang ang 2,310 naman ay asymptomatic o walang nararamdamang anumang sintomas.
Nasa 2,970 naman ang moderate cases, 1,443 ang severe cases at 312 ang kritikal.
Nakapagtala rin naman ang DOH ng 7,456 na mga pasyenteng gumaling na mula sa karamdaman.
Sa ngayon, aabot na sa 3,508,239 ang kabuuang nakarekober sa karamdaman.
Nadagdagan pa ng 164 ang pasyenteng namatay sa sakit kaya aabot na sa55,094 ang COVID-19 deaths sa bansa.
Mary Ann Santiago