Emosyonal na namaalam si Willie Revillame at ang programang Wowowin sa GMA Network nitong Biyernes, Pebrero 11. Tiniyak naman ng host na may niluluto siyang plano lalo para sa mga “nawalan ng trabaho.”

Pinasalamatan ni Willie ang kanyang masugid na tagapanuod na tumangkilik sa kanyang programa sa GMA 7.

“Gusto ko lang magpasalamat una lahat sa inyong lahat. Wala ako dito. Wala kami rito kahit na ho may istasyon, na kahit anong istasyon ang puntahan namin kung ‘di niyo ko sinuportahan, hindi niyo ko minahal, wala hong programang Wowowin. Ang buhay ho ay kayo,” saad ni Willie Revillame sa entablado ng Wowowin kasama ang buong team.

Sunod na pinasalamatan ni Willie si GMA chairman and chief executive officer Felipe Gozon na hindi “ipinagdamot” ang social media channels ng programa sa kanya.

Bea, ayaw na sa new year's resolution; 2024, 'hardest year' ng kaniyang buhay

“Attorney, thank you so much hindi niyo ipinagdamot sa akin yung 26 million Facebook [at] Youtube [channels] na dapat sa inyo yun, ibinigay niyo pa rin sa akin. Napakabuti niyo,” ani Willie.

Kasalukuyang mayroong halos 17 million followers sa Facebook at 7.4 million subscribers sa Youtube ang Wowowin.

Dito muling nagpasalamat si Willie sa kanyang mga boss, co-hosts, direktor at iba pang staff.

“Hindi ho ito ang katapusan, hindi po ako titigil. Tutuloy ko po ang live streaming. Meron pa rin pong Facebook at Youtube. ‘Willie Revillame, Tutok Para Manalo,’ tuloy pa rin po ang pagbibigay ko ng saya sa inyo. Yun lamang ho wala na po akong TV, livestreaming na lang sa Facebook at sa Youtube,” pagbabahagi ni Willie.

Pinasalamatan din ni Willie ang GMA News and Public Affairs sa pangunguna ng 24 Oras anchors na sina Mel Tiangco, Vicky Morales at Mike Enriquez.

“Babalik ako, ‘yung mga nawalang trabaho. Ibabalik ko kayo. I’ll see you soon. Itong programang Wowowin para sa inyo, ipagdasal niyo na magtuloy-tuloy tayo. GMA, I love you. See you!”