Inilarawan ni Cavite Gov. Jonvic Remulla ang kanyang lalawigan bilang “Marcos country”, bagay na ibinunyag ng kampo ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Sabado, Peb. 12.
Ito ay matapos manligaw ni Marcos Jr. sa mga residente ng Cavite noong Biyernes at nakuha ang inaasam na pag-endorso sa vote-rich province.
Ayon sa kampo ni Marcos Jr., tiniyak sa kanila ni Remulla na buo ang suporta ng lahat ng lokal na opisyal ng Cavite sa tandem ng dating senador at ng kanyang running mate na si vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
“Mr. President [Marcos] pinapangako na namin ang Cavite ay para sa inyo. Pinapangako na namin ang 800,000 plus votes dito sa Cavite para sa inyo. Pinapangako ko ang lahat ng suporta ng mga mayor ng Cavite sa inyo tandaan nyo, dito sa Cavite sagot na namin lahat,” sabi ng kampo ni BBM na umano’y binanggit ni Remulla.
“Walang gagastusin ang BBM campaign dito sa Cavite, sagot na namin lahat ‘yan,” dagdag nito.
Bumisita si Marcos Jr. sa General Trias, Cavite noong Biyernes at Silang, Cavite noong Sabado. Sinabi ng kanyang kampo na siya ang nangunguna sa mga presidential survey na isinagawa sa lalawigan, kahit na ang kanyang karibal sa Palasyo na si Sen. Panfilo Lacson ay kilalang tubong-Cavite.
Joseph Pedrajas