Hinimok ng Department of Health (DOH) ang mga kandidato na maging role model sa pagsunod sa health protocol sa kanilang campaign activities upang maiwasan ang pagtaas ng COVID-19 cases.
Sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na "cause of concern" ang napakaraming tao sa kampanya.
“This is really a cause of concern. Ang lagi po nating tatandaan, even though ang cases natin ay bumababa na, tandaan natin that the virus is still here,” ani Vergeire sa public briefing nitong Sabado, Pebrero 12.
“To our campaigners o kandidato, sana tayo yung maging modelo para maipakita natin sa mga tao na dapat tumutupad po tayo lahat sa safety protocols," dagdag pa niya.
Pinaalalahanan ni Vergeire ang publiko na hindi pa rin nila hinihikayat ang pagsasagawa ng mass gatherings sa gitna ng banta ng COVID-19.
“The variants are still here, hindi lang po Omicron, nakakapag detect pa rin tayo ng Delta variant dito sa atin, although mas marami na talaga ang Omicron," aniya.
“Having said that, ito pong mga mass gathering, hanggang sa ngayon hindi pa rin po natin iyan ina-allow.But we have seen that these campaign sorties have resorted or produced ng mga ganitong kadaming gatherings," dagdag pa niya.
Hinimok din ng DOH official ang iba't ibang lokal na pamahalaan na mahigpit na ipatupad ang minimum public health standards sa kampanya.
“Pinapaalalahan po natin ang local governments, tulungan po natin ang national government to enforce and to monitor these kinds of activities so that we can prevent further increase in cases if ever,” aniya.
“Gusto po namin magpapaalala sa ating mga kababayan na pumupunta sa mga ganitong gatherings, mag-ingat po tayo dahil maari pa rin po tayong makakuha ng sakit."
Nagsimula ang panahon na kampanya noong Pebrero 8 at magtatapos sa Mayo 7.
Analou de Vera