Nasamsam ng mga operatiba ng Southern Police District (SPD) at Muntinlupa police ang P3.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu (methamphetamine hydrochloride) at inaresto ang tatlong lalaki at isang babae sa buy-bust operation sa Muntinlupa nitong Biyernes, Pebrero 11.
Ayon kay SPD director Brig. Gen. Jimili Macaraeg, isinagawa ang operasyon sa Block 6, Phase 4 sa Southville 3 housing project sa Barangay Poblacion, Muntinlupa.
Arestado sa operasyon sina Marco Anthony Panibe, 30, driver; Romnick Misloso, 22, vendor; Ernesto Landing Jr., 25, construction worker; at Dreyven Aubrey Vilasco, 21, saleslady.
Nakumpiska ng magkasanib na puwersa ng SPD's Drug Enforcement Unit (DEU), District Intelligence Division at District Mobile Force Battalion, at DEU ng Muntinlupa police, SWAT Muntinlupa at mga tauhan ng Sub-station 6 ang limang plastic bag na naglalaman ng humigit-kumulang 508 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3. 45 milyon, apat na maliliit na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, P1,000 buy-bust money at P4,000 boodle money.
Inaresto ang apat na suspek at dinala sa SPD. Sasampahan sila ng pulisya ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Lahat ng nasamsam na ilegal na droga ay itinurn-over sa SPD Forensic Unit para sa chemical analysis.
“This notable accomplishment shows our full support in the campaign against illegal drugs. Let us continue our dedication and commitment in service in fighting the illegal drug menace in our country,” ani Macaraeg.
Jonathan Hicap