Katuwang ng Philippine Red Cross (PRC) ang International Committee of the Red Cross (ICRC) para sa mga relief operations nito sa Dinagat Islands, Siargao, at Surigao Del Norte na lubhang naapektuhan ng Bagyong Odette, pagsasaad ng organisasyon nitong Biyernes, Peb 11.
Sinabi ng PRC na ang ICRC ay nagbigay ng agarang tulong kagaya ng mga food kit, mahahalagang gamit sa bahay, kitchen set, at inuming tubig sa mga apektadong komunidad.
Kasabay nito, nakatanggap din ang PRC ng mga satellite phone, generator, at multipurpose tents para sa mga naka-deploy na volunteers upang magbigay ng agarang tulong medikal at para sa muling pakikipag-ugnayan sa mga pamilyang nahiwalay sa kamakailang bagyo.
Ayon sa PRC Disaster Management Services, mas maraming tulong ang darating mula sa ICRC Headquarters sa Geneva, Switzerland sa mga darating na linggo.
Sinabi ng PRC na sa pamamagitan ng pamumuno ng Chairman at Chief Executive Officer nito na si Sen. Dick Gordon, patuloy itong makikipagtulungan sa ICRC upang maabot ang higit na nangangailangan.
Samantala, sinabi ng PRC na bumiyahe rin ito sa Pinamungahan, Cebu, para ipamahagi ang full kitchen sets sa 826 na benepisyaryo na naapektuhan ng bagyo. Sinabi ni Gordon na ang makikinabang sa mga kitchen set ay mga pamilya mula sa Munisipyo ng Pinamungahan, isa sa mga pinakamahirap na-hitarea matapos ang pag-landfall ng bagyo, na lubos na nawalan ng mga bahay sa bagyo.
Sinabi ng PRC na pinakilos ni Gordon ang PRC Cebu Chapter upang tasahin at isagawa ang pamamahagi ng relief sa apat na barangay sa Pinamungahan, Cebu. Nagbigay ng kitchen set ang PRC sa 153 pamilya sa Brgy. Tupas, 203 pamilya sa Brgy. Tangub, 328 pamilya sa Brgy. Busay, at 142 pamilya sa Brgy. Opao.
Ang patuloy na serbisyo ng mga water tanker ng PRC ay isinagawa rin at namahagi ng 2,000 litro ng malinis na inuming tubig sa Brgy. Obo, Argao, 2,000 liters sa Brgy. Upper Obo, Argao, 10,000 liters sa Brgy. Obo, Dalaguete, 12,000 liters sa Brgy. Arbor, Boljoon, at 12,000 liters sa Brgy. Gawi, Oslob.
Sinabi ni Gordon na nanatiling nakaagapay ang PRC para suportahan at pagaanin ang epekto sa mga komunidad ng kapwa Pilipino hanggang sa makabangon ang mga ito sa sakuna.
Ipinagpatuloy ng PRC ang kanilang Typhoon Odette operations at namahagi na ng 1,157 food items, P3,500 multipurpose cash grants sa 928 indibidwal, hygiene kits, sleeping kits, jerry cans, kumot, kulambo, at tarpaulin sa 988 pamilya. Nagbigay din sila ng mainit na pagkain sa 17,297 indibidwal, at namahagi ng 1,906,695 litro ng malinis at maiinom na tubig.
Dhel Nazario