Binigyang-pugay ng Google si Liwayway co-founder at Filipino playwright Severino Reyes sa ika-161 anibersayo ng kapanganakan nito ngayong Biyernes, Pebrero 11.
Makikitang tampok sa doodle ng search engine ang larawan ni Reyes kalakip ang tila imahe rin ng kilalang si "Lola Basyang."
Lumipas man ang panahon, pinakatanyag na legasiya ni Reyes sa literatura ng bansa ang “Mga Kuwento ni Lola Basyang,” isang serye ng mga kuwentong kadalasa’y sentro sa ilang kaugaling Pinoy na nais maisapuso at maipamana sa isipin ng mga batang Pilipino.
Sa larangan ng teatro at pagtatanghal, kilala bilang “Ama ng Pilipinong Teatro” si Reyes na utak sa likod ng sikat na zarzuela na tinawag na “Walang Sugat." Itinanghal sa Bulacan, tampok dito ang katapangan ng mga Katipunerong lumaban sa mga Espanyol noong panahon ng rebolusyon.
Kabilang sa ilan pang mga naging patok na zarzuela ni Reyes ang Minda Mora, Mga Bihag ni Cupido, Ang Bagong Fausto, Ang Tunay na Hukom, Ang Tatlong Bituin, Margaritang Mananahi, Ang Halik ng Isang Patay at Luha ng Kagalakan.
Naging katuwang ni Reyes si Hermogenes Ilagan sa pag-usbong ng lokal na zarzuela noong ika-20 siglo.
Bagaman matagal nang limot ng kasalukuyang porma ng sining ang zarzuela, ang serye ng mga kwento ni Lola Basyang na nailathala sa Liwayway ay patuloy na naging malaking kamulatan ng mga kabataang tumatangkilik nito ngayon sa porma ng tanghalan, palabas sa telebisyon o pelikula.
Sa edad na 81, pumanaw sa sakit sa puso si Reyes noong Setyembre 18, 1942.