Bahagyang tumaas ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 na naitala ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes, Pebrero 10, at umakyat sa 4,575.

Ang naturang bilang ay mas mataas ng 924, kumpara sa 3,651 lamang na bagong kaso ng naitala ng DOH noong Miyerkules, Pebrero 9.

Sa case bulletin #698, umaabot na ngayon sa 3,627,575 ang kabuuang COVID-19 cases sa bansa.

Sa naturang bilang, 2.6% na lamang naman o 93,307 ang aktibong kaso pa, kabilang dito ang 85,244 na mild cases, 3,316 na asymptomatic, 2,991 na moderate cases, 1,444 na severe cases at 312 na critical cases.

Mayroon din namang 7,504 pasyente na gumaling na sa sakit kaya nasa 3,479,485 na ang total COVID-19 recoveries sa bansa, o 95.9% ng total cases.

Naitala rin ang 94 naman na namatay sa karamdaman.

Sa ngayon, umaabot na sa 54,783 ang total COVID-19 deaths sa bansa.

Mary Ann Santiago