Alam niyo bang wala sa plano at nagkataon lamang ang pagiging boksingero ng tubong Barangay Booy, Tagbilaran City, Bohol na si Mark Magsayo?
Noong 2003, walong taon pa lang si Magsayo ay nililibot na ang lahat ng kalye at ilang kalapit na beach ng lungsod dahil sa araw-araw na pagtitinda ng sorbetes at pandesal upang makatulong sa mga magulang nito.
Hanggang sa isang araw ng nabanggit ding taon, hindi niya sinasadyang manood ng laban nina Manny Pacquiao at Marco Barrera sa ALA Gym sa Bohol kung saan niya nasaksihan ang makasaysayang pag-knockout ng Pinoy boxer sa kanyang kalabang Mexican.
Kinabukasan, tinalikuran na niya ang pagtitinda ng sorbetes at pandesal kasabay na rin ng pag-uumpisa niya sa pagboboksing.
Sa unang pagsabak sa amateur, nakalasap siya ng sunud-sunod na pagkabigo sa tatlong laban hanggang sa makapag-uwi ng panalo sa ikaapat niyang pagtatangka.
Ginamit din ni Magsayo ang pagtutol ng ina sa pagpapatatag pa sa hangaring maipagpatuloy ang pagboboksing.
Muntik na ring umayaw si Magsayo matapos na magtapos ng high school. Gayunman, naisip niya na sanay na ang kanyang katawan sa mga suntok.
Sa gitna nito, pinag-aralan niya ang mga laban ng iba't ibang boksingero kasabay ng pangako sa sarili na mas magiging mahusay pa ito kumpara sa mga ito kaya nagdesisyon pa ring maipagpatuloy ang sinimulan.
Pinatunayan ni Magsayo ang pangako sa sarili nang tanghaling 4-time amateur boxing champion sa taunang Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) national tournaments kung saan din nakasungkit ng dalawang beses na titulong "Best Boxer."
Nang maging professional boxer, una niyang nakalaban si Melton Sandal noong Mayo 25, 2013 kung saan natalo niya ito via first-round knockout.
Abril 23, 2016 nang malasap ni Magsayo ang pinakamalaking pagsubok sa kanyang pagboboksing matapos na makalaban ang dating world title challenger na si Chris Avalos na natalo rin nito sa pamamagitan ng knockout kaya nahablot nito angWBO International featherweight title.
At ang pinakahuling laban ni Magsayo ay nitong Enero 22, 2022 o matapos ang anim na taon, sa Amerikanong si Gary Russell, Jr sa Borgata HotelCasino & Spa in Atlantic City, New Jersey kung saan tinalo rin niya ito.
Dahil dito, napasakamay niya ang WBC featherweight title.