Halos 55,000 na ang binawian ng buhay sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas, ayon sa pahayag ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules.

Umabot na sa 54,690 ang namatay sa sakit matapos na maitala ang 69 pang binawian ng buhay sa sakit.

Nakapagtala rin ang ahensya ng 3,651 na kaso ng sakit kaya umabot na sa 96,000 ang aktibong kaso nito sa bansa.

Mahigit din sa 12,000 pasyente ang naidagdag na gumaling sa karamdaman.

Sa case bulletin #697 ng DOH, nasa 3,623,176 na ang kabuuang kaso ng COVID-19 simula nang magsimula ang pandemya.

Sa naturang bilang, 2.7% na lamang o 96,326 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa sa karamdaman, kabilang dito ang may 87,385 pasyente na nakakaranas ng mild na sintomas; 4,150 na asymptomatic; 3,029 na moderate; 1,447 na severe at 315 na kritikal.

Mayroon din namang 12,834 pasyente ang gumaling na sa karamdaman kaya’t sa kabuuan ang COVID-19 recoveries sa bansa ay pumalo na sa 3,472,160 o 95.8% ng total cases.

Mary Ann Santiago