Sa pagbubukas ng unang araw ng pangangampanya noong Pebrero 8, 2022, kaniya-kaniyang pasiklaban ang mga presidential candidate sa kani-kanilang mga proclamation rally na isinagawa sa mga espesipikong lugar na kanilang pinili at napisil.
Para kay Senador Manny Pacquaio, walang ibang lugar na pinakamainam gawin ang programa sa kinalakhang bayang sinilangan---sa General Santos City, kung saan nagkaroon muna siya ng caravan sa ganap na 1:00 ng hapon, na nagsimula sa Barangay Bawing patungong Oval Plaza Grandstand para sa aktuwal na proclamation rally.
Running mate sa pagiging bise presidente ang dating Manila City Mayor at ngayon ay Deputy Speaker Lito Atienza, sa ilalim ng partidong PROMDI, isang Cebu-based political party na naglalayong hakutin ang boto ng Visayas at Mindanao.
"Dito nagsimula ang pangarap ni Manny Pacquiao, noong bata pa siya, na matulungan at makaahon sa kahirapan, matulungan ang kamag-anak at lahat para umasenso sa buhay,” pagbabahagi ni Manny sa kaniyang talumpati.
Isa-isang nagbigay ng kani-kanilang mga mensahe, plano, at plataporma ang mga kumakandidatong senador sa kaniyang tiket, kabilang ang proxy ni Senador Win Gatchalian na si beauty queen-turned-actress Bianca Manalo.
Isa naman sa naging highlights ng programa ang pagsasalita ng kaniyang inang si Mommy Dionisia Pacquiao na ikinaaliw naman ng lahat.
Aniya, noong una raw sumabak sa politika ang anak, nag-alala siya nang husto dahil baka raw maubos ang kuwarto o pera nito, na napanalunan nito sa boxing at iba pang nabuong negosyo.
"Noong tumatakbo pa siya for the first time dito sa General Santos, umiyak ako kasi ilang sako na ng pera ang nakita kong nawala," pahayag ni Mommy D.
"Sabi pa ng mga amiga ko, ‘Mommy, ang anak mo bigay nang bigay ng pera, baka maubos ang kuwarta!’"
"Tapos ito presidente na, sabi ko ‘Manny, iba na talaga to kasi buong bansa na, mas malaki pa sa bariles [tuna] ng GenSan!" dagdag pa ni 'PacMom' na ikinatawa ng lahat, maging ng anak na tumatakbong pangulo ng bansa.
Ngayon na lamang ulit nagpakita at nagsalita si Mommy D sa harap ng publiko, simula nang magdeklara ng kaniyang kandidatura ang anak.
Marami raw ang nakapapansin na madalang nang magpakita ang 'Pambansang PacMom', lalo't ang anak niyang senador ay susuong sa panibagong laban---hindi sa boxing, kundi sa mahigpit na labanan sa pagkapangulo ng bansa sa darating na halalan 2022.
Noong Disyembre 5, 2021 naman, makikita sa Instagram ni Jinkee Pacquiao ang litrato nila ni Mommy D.
"My husband tells me that there are two beautiful women in his life. Me and You," caption ni Jinkee na pumapatungkol sa kaniyang biyenan.
Sabi ni Jinkee, mag-best friend na raw sila ngayon ni Mommy D.
"How blessed we are, how fortunate we've been, that you are his mother, and also my best friend," aniya.
BASAHIN: https://balita.net.ph/2021/11/08/jinkee-pacquiao-kay-pacmom-we-love-you-mommy-d/
Kamakailan lamang, napabalita ng 'Bilyonaryo Ph' noong Enero 30, 2022 na ibinebenta na ni Pacman ang Forbes Park mansion niya.
Ayon umano sa manunulat na si Vic Agustin, may tatlong magkakaibang presyo umano ang naturang mansyon: ₱2.3B, ₱ 2B, at huling presyo ay ₱1.95B. Ang naturang property na 'Zen-inspired' ay nabili umano ni Pacman sa halagang ₱ 400M noong 2011, at sumailalim sa ilang renovations.
Hindi pa napabalita kung may nakabili na nito.