Usap-usapan pa rin sa social media ang dalawang ABS-CBN celebrities na sina Toni Gonzaga at Karla Estrada na dumalo sa ginanap na proclamation rally ng UniTeam sa Philippine Arena noong Pebrero 9, 2022.
Si Toni kasi ang nagsilbing host nito habang si Karla naman ay naghandog ng isang awitin para sa lahat. Si Karla ay tumatakbo bilang 3rd nominee sa party-list na 'Tingog'.
Hayagan na nga ang pagpapakita ng suporta ni Toni sa tambalan nina presidential aspirant at dating Senador Bongbong Marcos at vice presidential aspirant at Davao City Mayor Sara Duterte, na noon ay inulan ng kritisismo at 'cancelled' sa social media nang isagawa niya ang panayam kay BBM sa pamamagitan ng 'ToniTalks'.
Ngunit ang mas ikinawindang umano ng mga tagahanga at maging ng mga dati at kasalukuyang kasamahan sa trabaho ni Toni ay nang buong-lugod umano niyang ipakilala si senatorial aspirant at Congressman Rodante Marcoleta, na isa umano sa mga nanggisa sa ABS-CBN para sa renewal ng prangkisa nito, noong 2020.
Kapansin-pansin ang mga cryptic post ng mga celebrities na dati at kasalukuyang konektado o nagtatrabaho sa Kapamilya Network. Bagama't wala silang pinangalanan, sinabi ng mga netizen na maaaring patama ito sa 'Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10' main host at sa Momshie ng morning talk show na 'Magandang Buhay'.
Miguel Dumaual (ABS-CBN entertainment reporter): "Paano mo nasikmura 'yun…"
Isa pa niyang tweet: "Two of the 10 Commandments, according to the Christian Bible: Thou shalt not kill, Thou shalt not steal (1 Timothy 5:22)
Do not participate in the sins of others."
Gretchen Ho (dating ABS-CBN host: "Pretty painful to see."
Dionne Monsanto (dating ABS-CBN actress at ex-PBB housemate): "Binuild up nang bongga only to betray you like that."
Jervis Manahan (ABS-CBN reporter): "Deserve naman pala ni Rebreb maging favorite (si Rebreb ay ang karakter ni Enchong Dee sa pelikulang 'Four Sisters and a Wedding' na isa si Toni sa mga naging lead cast)."
Kevin Manalo (ABS-CBN reporter): "How dare they. This is hurtful and still unbelievable." Sa isa pang tweet, "And to emphasize… It's not just a job for most of us. It was our dream, advocacy, and mission. As someone who is directly affected, this is personal."
John Lapus (ABS-CBN comedian, writer, at direktor): "Naduling ako sa nakita ko."
Marc Logan (ABS-CBN journalist at TV Patrol segment host): "Ay kakatouch."
Sam Concepcion: (ABS-CBN singer-actor): "If this was harry potter she'd be queenie goldstein."
DJ Chacha (dating ABS-CBN radio DJ): "Anong nakita niya na hindi natin nakikita? Curious lang naman…"
Ngunit si ABS-CBN writer at Kapamilya party-list nominee Jerry Gracio ay hayagang hinamon umano si Toni na kung may delicadeza ito, magre-resign na ito sa ABS-CBN.
"Tuwing maiisip ko na Marcos ang nagpasara sa ABS-CBN noong Martial Law, at Duterte ang dahilan kung ba't nawalan ng trabaho ang kapuwa ko manggagawa sa gitna ng pandemya, matay ko mang isipin, di ko kayang tumindig sa stage kung saan naroon ang mga Marcos, Duterte, Marcoleta," saad ni Jerry sa kaniyang tweet.
"Di ko masisisisi, kung magtatanong ang mga kapuwa ko manggagawa sa ABS-CBN, kung bakit nasa ABS-CBN pa rin si Toni gayong ini-endorse niya ang mga nagpasara sa kompanya; samantalang sila na nakipaglaban para sa network ay wala nang trabaho at nagdidildil na ng asin."
"Well, hindi naman kasi benggador ang ABS-CBN. Kaya dapat ang burden ay na kay Toni. If she's endorsing politicians responsible for the shut down of the network where she works, she should resign out of delicadeza."
"Ang ibig kong sabihin, kung sinusuportahan niya ang mga politiko na nagpasara sa network, ba't di siya lumipat sa SMNI? I'm sure, Quiboloy would welcome her with open arms."
Marami rin ang tumatawag ngayon kay Toni bilang 'The Unbothered Queen'.
Sa kalagitnaan ng programa sa proclamation rally, pabirong nagpasalamat ang TV host sa mga netizen dahil trending umano ang pangalan niya sa Twitter.
Samantala, wala pang pahayag tungkol sa isyu sina Toni Gonzaga at Karla Estrada.