Tahasan at matapang na ipinahayag ng beteranong aktor na si Edu Manzano na hindi niya iboboto bilang senador si dating bise presidente at senatorial aspirant Jejomar 'Jojo' Binay sa darating na halalan 2022.

Tumatakbo si Binay sa ilalim ng United Nationalist Alliance (UNA), ang partidong itinatag niya sa kaniyang naunsyaming presidential bid noong 2016.

Niretweet kasi ni Edu ang tweet ni dating PCOO Asec ng administrasyong P-Noy (Pangulong Noynoy Aquino, SLN) JR Santiago.

"Seriously considering if I should look at Sen. Richard Gordon with fresh eyes. What do you think? As far as Zubiri, Escudero, and Binay are concerned, it's a NO for me," ayon sa tweet nito.

Na sinagot naman ni Edu, "Totally up to you but BINAY is a nono. I worked with him and saw it all."

Screengrab mula sa Twitter/Edu Manzano at JR Santiago

Agad namang tumugon dito si Santiago. "Binay is a DEFINITE NO. From what I know and have seen as well, I will never vote for a Binay."

"I’ll post documents soon!" tweet naman ni Edu.

Screengrab mula sa Twitter/Edu Manzano at JR Santiago

Tila may pagbabanta naman si Edu na handa niya umanong ibahagi sa social media ang mga 'resibo' kung bakit hinding-hindi niya iboboto si Jojo Binay.

"I have the same documents as COA (Commission on Audit!"

Screengrab mula sa Twitter/Edu Manzano at JR Santiago

"I’m sorry but Binay is not my candidate. Worked with him for 3 years and saw it all. Will post COA documents soon. I have them all."

"Natalo po si Jojo Binay as congressman First District of Makati in 2019 after loosing the Vice-Presidency in 2016. Corruption hounded hiS candidacy," giit pa ni Edu.

Screengrab mula sa Twitter/Edu Manzano

Screengrab mula sa Twitter/Edu Manzano

Hindi ito ang unang beses na inakusahan ni Edu si Jojo Binay ng katiwalian. Matatandaang noong 2001, nagkasagupa na ang dalawa bilang kandidato sa pagka-mayor ng Makati City.

Napabalita na inakusahan umano ni Edu ang noon ay chairman ng Metro Manila Development Authority o MMDA na si Jojo Binay na sinusuhulan siya ng napakalaking halaga ng pera upang umatras sa kandidatura bilang mayor at umanib na lamang sa kanilang tiket.

Pinabulaanan naman ito ni Jojo Binay at sinabing si Edu Manzano umano ang kusang lumapit sa kanila upang maging bahagi ng PDP-Laban, subalit wala na umanong slot dahil naibigay na sa journalist at editor noon ng 'Today' newspaper na si Teodoro 'Teddy Boy' Locsin, Jr., na ngayon ay Secretary ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Samantala, wala pang tugon o pahayag dito ang senatorial aspirant na si Jojo Binay.