Binatikos ni vice presidential candidate Dr. Willie Ong ang administrasyong Duterte dahil sa kakulangan ng mga ospital sa bansa sa kabila ng paglobo ng national debt sa P11.73 trilyon.

Sa proclamation rally ng Aksyon Demokratiko sa Kartilya ng Katipunan sa Maynila noong Martes, Pebrero 8, inihayag ni Ong ang kanyang mga plano na lumikha ng isang infectious disease ospital, ospital ng mga bata, at Cancer Center of the Philippines.

“Kawawa ‘yung may cancer natin. Murang-mura lang ang hospital, P3 billion. Mas mura pa sa face shield, ‘di ba?” sabi ni Ong.

“Ano ba yan? Ang dami na nating inutang, ni isang ospital, walang tinayo. ‘Yung gamot sa COVID na nakakaligtas ng 90 percent ng buhay natin hindi binili… Nakakainis na eh,” dagdag niya.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Ipinanawagan ni Ong ang pagtatayo ng mas maraming ospital at sinabing ito ang pinakamahusay na solusyon sa panahon ng pandemya.

Kung mahalal, sinabi rin ng kandidato sa pagka-bise presidente na isusulong niya ang pagtaas ng suweldo ng mga guro at palalakasin ang Food and Drug Administration (FDA) upang matiyak ang kaligtasan sa pagkain.

Nauna nang sinabi ni Ong na handa siyang pamunuan ang Department of Health (DOH) kung mananalo sa pagkapangulo ang kanyang running mate at presidential candidate na si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.

Jaleen Ramos