Patay ang isang 67-anyos na babae at isa pang anak na babae matapos makulong sa nasusunog na bahay sa11th St., New Manila, Brgy. Mariana sa Quezon City nitong Miyerkules ng madaling araw.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Public Information Office, nakilala ang mag-ina na sinaHelen Uy, 67; at Johanna Uy, 40. Sugatan naman ang isa pang kapatid ni Johanna na siValerie Uy, 34.
Natagpuan ang bangkay ng dalawa sa loob ng kuwarto, ayon sa imbestigador.
Sa pahayag naman ng isang kasambahay na si Josefina Manlapaz, 52, nakita niya ang usok sa sala dakong 3:00 ng madaling araw.
Nakalabas lamang aniya ito sa lugar sa pamamagitan ng paggapang sa makapal na usok.
Tinangka namang batuhin ng security guard na si Emedio Panitan, 40, ang bintana ng mag-ina, gayunman, hindi pa rin nagigising ang mga ito.
Paliwanag naman ng BFP, dakong 5:00 ng madaling araw nang makatanggap sila ng impormasyon kaugnay ng insidente.
Dakong 6:10 ng umaga nang ideklara ng BFP na kontrolado na ang sunog.
May teorya ang mga awtoridad na nagsimula ang apoy sa laundry area ng pamilya Uy.
Mahigit sa P2,250,000 ang halaga ng natupok na ari-arian.
Aaron Dioquino