Hindi nangangahulugang isang endorsement mula sa Iglesia ni Cristo (INC) ang proclamation rally nina presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice presidential candidate Sara Duterte-Carpio sa Philippine Arena na pagmamay-ari ng bloc-voting church.
Ito ay ayon sa abogadong si Vic Rodriguez, ang tagapagsalita ni Marcos Jr., na nagsabing doon lamang ginanap ang campaign kick-off ng tandem dahil maaaring “pinakamalaking venue.”
“You’re reading too much between the lines. We have not said anything close to that,” sabi ni Rodriguez nitong Martes, Pebrero 8, sa mga mamamahayag nang tanungin kung ang rally na ginanap sa pinakamalaking indoor arena ay katumbas ng pag-endorso mula sa bloc-voting na Iglesia ni Cristo.
“Ito ay venue lamang. Kaya namin ito napili sapagkat ito ang pinakamalaki at maaaring mag-accommodate sa libu-libo naming mga supporters and followers,” dagdag niya.
Sinabi ni Rodriguez kung mayroon lamang iba pang mas malalaking venue na maaaring mag-accommodate ng mas maraming tagasuporta, mas gugustuhin nilang doon isagawa ang event.
Ang Philippine Arena ay may 55,000 seating capacity. Ngunit 25,000 indibidwal lamang ang inaasahan at pinayagang makapasok dahil sa limitasyon ng kapasidad ayon sa health safety protocols ng gobyerno.
John Pedrajas