Nagpakita ng puwersa at suporta ang mga residente ng Maynila sa presidential bid ni Manila Mayor Isko Moreno nitong Martes, Pebrero 8, kasabay nang pag-arangkada na ng panahon ng kampanyahan para sa May 9, 2022 national elections.

Nagkulay-asul ang mga kalye sa Maynila dahil sa dami ng mga supporters ni Moreno, na nangakasuot ng mga asul na t-shirts, na walang pagod na sumasalubong at naghintay sa motorcade ng alkalde, na tumatakbo sa pagkapangulo sa ilalim ng partido Aksyon Demokratiko.

Nabatid na bago ang motorcade, dumalo muna si Moreno at ang kanyang mga kapartido, kasama ang running mate na si Doc Willie Ong at Senatorial candidates na sina Dr. Carl Balita, Samira Gutoc at Atty. Jopet Sison, ng isang banal na misa sa Sto. Nino Parish Church sa Tondo, ganap na alas-7:30 ng umaga.

Inihalintulad rin ni Moreno ang kanyang sarili sa Biblical character na si David na lumaban sa higanteng si Goliath.

“The oldest history is in the Bible. Ang sinabi ‘yung mga matatangkad, matatayog, mga kilala, malalakas, tinalo ni David na galing sa ordinaryong pamilya. So, sa akin history repeats itself.May kasabihan rin na ganon. So, may awa ang Diyos,” ayon kay Moreno.

Naniniwala si Moreno na tulad ni David ay kaya niyang talunin ang mga ‘Goliath’ ng Philippine politics at maging susunod na pangulo ng Pilipinas.

Ipinangako rin ni Moreno na tutugunan niya ang mga pangunahing pangangailangan at suliranin ng bansa tulad ng kanyang ginawa sa Maynila kung saan nagpocus siya sa health, livelihood, education, health care, poverty, hunger, unemployment, inequality, social injustice at iba pa.

Matapos ang banal na misa, si Moreno at ang kanyang team mates ay sumama na sa “Blue Wave” caravan sa buong lungsod ng Maynila, sa pangunguna ng may 10,000motorcycle riders na nakasuot rin ng blue t-shirts.

Libo-libong mga residente rin ang nagwagayway ng kulay asul na banners habang wini-welcome ang alkalde at ang kanyang grupo.

Matatandaang asul ang official color ni Moreno.

Matapos naman ang motorcade, magsasagawa umano ang partido ng napakasimpleng proclamation rally sa Kartilya ng Katipunan sa Bonifacio Shrine sa tabi ng Manila City hall ganap na alas-6:00 ng gabi.

“Yung aming proclamation rally would you believe by invitation lang because we really want to control ‘yung minimum health standards so we follow our own rules. It will not be a perfect campaign but pumanatag kayong lahat kami pipilitin naming sumunod, ‘yun ang kompromiso ko sa taong bayan,” sabi ni Moreno.

“As much as possible kasi gusto ko pa rin unawain ‘yung katatayuan ng tao na may pandemya pa, may impeksyon pa. So, hangga’t maaari, syempre gusto ko maiparamdam sa kanila na hindi lang ‘yung sarili namin ang iniisip namin, ‘yung kampanya namin, but also ‘yung katayuan nila sa loob ng impeksyon," dagdag pa niya.

Mary Ann Santiago