Nagbigay ng komento ang batikang showbiz columnist na si Lolit Solis hinggil sa balitang hindi na umano ni-renew ng GMA Network ang kontrata ni Wowowin host Willie Revillame, kaya lilipat na umano ito sa bagong itinayong TV network ng dating senador na si Manny Villar, kung saan, ang dating frequency na 'Channel 2' ng ABS-CBN ang gagamitin para sa test broadcast.
Ayon sa showbiz columnist, maraming pera at ari-arian si Willie kaya kahit hindi ma-renew ang kontrata niya sa network, makakagawa pa rin ito nang paraan upang magpahatid ng tulong sa mga kababayang nangangailangan, kahit walang sponsors.
"Ngayon mo makikita Salve na mabuti na lang at nakaipon nang malaki si Willie Revillame. Meron siyang mga yate, helicopter, ipinatatayong hotel at restaurant sa Tagaytay, maraming pera kaya hindi maghihirap kahit mawala ang programa at hindi ma renew ang kontrata," saad ni Lolit sa kaniyang latest Instagram post.
"Sigurado nang magiging maganda ang buhay niya kahit pa nga hinto muna ang programa niya. At least sa dami ng pera ni Willie Revillame hindi na siya maghihirap. Kaya siguro hindi ganoon ka-emotional ang pagtanggap sa nawala niyang kontrata dahil parang ang nasa isip ng tao, marami ka naman pera kaya mong mawalan ng trabaho."
"Hindi mo kasi makita iyon panghihinayang sa mga tao na sana tuloy tuloy pa kasi kailangan niya ng trabaho, dahil siya ang nagsasabi na heto may yate ako, helikopter, maraming bahay. Masarap parin magiging buhay ko, at tutulungan ko pa rin kayo dahil marami akong pera."
"Dito natin makikita iyon generous heart ni Willie Revillame kung pagpapatuloy pa rin niya ang pagbibigay-tulong kahit wala na TV, camera, walang sponsors, dahil sa sarili na niyang bulsa manggagaling ang ibibigay niyang tulong. Kung tuloy-tuloy pa rin, talaga mula sa puso niya ang pagbibigay, hindi kailangan ang sponsor."
"Dasal namin, na huwag niya ihinto ang pagbibigay tulong, ipakita niya na galing sa kanya ito at hindi sa iba. Bongga iyan dahil mula kay Willie Revillame, ang matulungin at very generous na host ng Tutok to Win. Bongga talaga!!"
Nago ang naturang post, nauna nang sinabi ni Lolit na GMA Network ang hindi nag-renew sa kontrata ni Willie, taliwas naman sa naisulat sa isang pahayagan ng kaibigan niyang si Cristy Fermin, na si Willie raw ang hindi nag-renew ng kontrata dahil sa isang di inaasahang pangyayari na kailangan niyang mamili.
Saad pa ni Cristy, magbibigay raw ng opisyal na pahayag si Willie sa huling araw ng Wowowin sa ere, Pebrero 11.
Bago mapunta sa GMA Network, nagsimula ang kaniyang show sa ABS-CBN bilang 'Wowowee', katapat ng Eat Bulaga. Nang dahil sa mga hindi pagkakaunawaan, umalis si Willie sa Kapamilya Network at lumipat naman sa TV5.