Ayon sa pagsusuri na inilabas ng IBON Foundation, umaariba ang Pilipinas pagdating sa paglago ng ekonomiya sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya ngunit nangungulelat sa pagbibigay ng trabaho sa mga Pilipino.

Pumalo sa 7.7% ang gross domestic product (GDP) growth ng bansa noong huling quarter ng 2021. Nangangahulugang 5.6% ang ipinakitang paglago, pumapangalawa sa Singapore na may 7.2%.

Ngunit ayon sa IBON, hindi malinaw na sumasalamin ang paglago ng ekonomiya ng bansa dahil maraming Pilipino pa rin ang nagdadanas ng kahirapan dahil sa kawalang trabaho.

"But this fast economic growth is meaningless because it is not translating to enough jobs and incomes for ordinary Filipinos who are suffering unprecedentedly under the Duterte administration and especially since the pandemic," ani ng organisasyon.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Mayroon pa ring 3.2 milyon ang naiulat nawala pa ring trabaho noong Nobyembre 2021 pero ayon sa IBON, papalo ng 5.7 milyong ang Pilipinong walang trabaho dahil mayroon pa ring hindi nasasama sa bilang.

Inilarawan ng organisasyon na 'worst' o kulelat ang bansa sa aspetong employment sa mga bansa sa South East Asia. Mayroong 6.5% unemployment rate ang bansa, na siya namang mas mataas sa mga bansang tulad ng Indonesia (6.49%), Malaysia (4.3%), Vietnam (4%), Singapore (3.2%), at Thailand (2.3%).

Dagdag pa ng IBON, bukod sa kawalang trabaho, naging pasanin rin ang inflation sa bansa noong 2021, na tumuntong sa 4.5%, mataas kaysa Malaysia na may 3.2% noong Disyembre; Singapore 2.3%; Indonesia 1.9%; Vietnam 1.8%; Brunei 1.8%; at Thailand 1.2%.

Sa kabilang banda, binigyang-diin rin ng organisasyon ang 'pagyaman' ng bansa, higit mabilis kaysa sa karatig-bansa sa Timog-Silangang Asya.

Ang net worth ng 50 pinakamayayamang Pilipino ay lumobo sa 30.5% sa taong 2021, mas mataas kaysa sa bansang Singapore na may 24.6% at Indonesia na 21.8%.

Samantala, binabantayan ng IBON ang mga plataporma ng mga tumatakbo sa pagkapangulo upang malaman kung may mga paraan ito upang iangat ang bansa.

Ang IBON Foundation ay isang non-stock at non-profit na organisasyong tumutulong sa mga Pilipino sa pamamagitan ng paglalabas ng komprehensibong ulat at pag-aaral ng ekonomiya ng bansa simula pa noong 1978.