Pinahintulutan na ng Department of Education (DepEd) ang mga paaralan na isama ang mas marami pang grade levels sa progresibong pagpapalawak ng face-to-face classes para sa pampubliko at pribadong paaralan sa bansa na magsisimula ngayong linggong ito.
“With the expansion phase, we would like to give that opportunity and chance to the other grade levels so that mag-umpisa na yung setting of the consciousness among our learners and teachers na talagang time will come na talagang school-bahay ang learning at teaching process natin,” ayon kay Assistant Secretary Malcolm Garma.
Nilinaw naman ni Garma na ang pagsama ng mas maraming grade levels ay dapat nakabatay sa kapasidad ng mga kalahok na kwalipikadong paaralan upang matiyak ang pagsunod sa health at safety protocols.
Matatandaang sa simula, tanging ang Kindergarten, Grade 1 hanggang 3, at Senior High School lamang ang pinapayagang lumahok sa pilot implementation ng in-person learning.
“It’s really up to the schools, our divisions, and regions to make that right programming, the right combination of what grade levels can be included in the expanded limited face to face,” dagdag niya.
Sa “Interim Guidelines on the Expansion of Limited Face-to-Face Classes” na inilabas kamakailan, nabatid na ang mga expansion schools ay kinakailangang pumasa sa School Safety Assessment Tool (SSAT), nasa lugar sa ilalim ng Alert Levels 1 at 2, may pahintulot mula sa lokal na pamahalaan at written consent ng mga magulang, at pakikipag-ugnayan sa kani-kanilang barangay para sa implementasyon.
Base sa pinakabagong datos ng DepEd, 304 na mga paaralan na nasa Alert Level 1 o 2 ang maaari nang magsimula ng face-to-face classes, 12 dito ay nasa Rehiyon 2, 106 sa Rehiyon 3, 54 sa Rehiyon 4A, at 123 sa NCR. Dagdag dito, 59 na pampubliko at pribadong mga paaralan sa Rehiyon 4A, 8, 10, at NCR na kabilang sa pilot implementation ang magpapatuloy sa pagpapatupad ng limitadong physical classes.
Binanggit din ni Garma na ang mga nabakunahang guro lamang ang maaaring lumahok sa expanded face-to-face classes habang ang mga bakunadong mag-aaral naman ang hinihikayat.
Samantala, sinabi naman ni OIC-Undersecretary for Human Resource and Development Wilfredo Cabral na hangga’t walang interaksyon sa mga mag-aaral at sa mga guro na nagtuturo sa mga silid-aralan, ang mga hindi pa nabakunahang mga guro at empleyado ay maaaring mag-report on site sa kondisyong mayroon silang maipresenta na negative RT/PCR o antigen test.
Batay sa DO 11, s. 2020, inilahad ni Cabral na maaaring gamitin ang alinman sa kumbinasyon ng Skeleton Workforce, Work-From-Home, 2-Week o Weekly Rotation, at Work Shifting arrangements para sa mga guro at empleyado na hindi pa nababakunahan.
Hinikayat din ni Cabral ang mga guro na hindi pa nababakunahan na ikonsidera ang pagpapabakuna.
“Ang mga guro na hindi pa bakunado ngunit eligible ay atin pong hinihikayat na magpabakuna lalo’t higit kung sila po ay magre-report onsite na nakasaad sa DTFC No. 57 s. 2021,” aniya pa.
Mary Ann Santiago