QUEZON - Patay ang dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo nang sumalpok ang kanilang sinasakyan sa isang armored van sa Candelaria nitong Lunes ng hapon.
Sa ulat ni Quezon Provincial Police Office information chief, Lt. Lovely Lalunio, nakilala ang dalawa na sina Profer Benitez, 50, taga-Barangay Pahinga Norte at Rupert Buan, taga-Maasin Norte, Candelaria.
Under custody na ng pulisya ang driver ng armored van na si Crisanto Ella, 45, na taga-Bocohan, Lucena City.
Sa report ng mga awtoridad, ang aksidente ay naganap sa Candelaria- San Juan Road sa Brgy. Santa Catalina Sur dakong 1:40 ng hapon.
Patungo sana sa town proper sina Benitez at Buan nang makasalubong ang van na nasa kabilang linya kaya nagsalpukan ang mga ito.
Nahaharap ngayon si Ella sa kasong reckless imprudence resulting to double homicide at damage to property.
Danny Estacio