Nabigyang-pagkakataon na makapanayam ni ABS-CBN news anchor Karen Davila ang tinaguriang 'Silent Superstar' at bida ngayon sa trending na teleseryeng 'The Broken Marriage Vow' na Pinoy adaptation ng 'Doctor Foster', na si Jodi Sta. Maria.

Mapapanood sa vlog ni Karen na umere nitong Pebrero 6 ang one-on-one interview sa kaniya, na umikot magmula sa kaniyang mga pagbabago pagdating sa ispirituwal na aspeto, paghahanap sa di nakagisnang ama, at pagsisimula sa showbiz.

Kuwento ni Jodi, aminado siya na mahiyain siya noong high school days niya subalit mahilig daw talaga siyang mag-perform sa mga school program at harap ng maraming tao, kaya naman hindi kataka-takang mapansin siya ng isang talent scout.

“Ano lang ako … typical school girl na mahiyain. Pero sobrang love ko ang pagpe-perform. And then pagdating ko ng high school, we were just having lunch — me and my friends — may lumapit sa aming talent scout. Nagbigay siya ng card, mag-audition daw kami,” aniya.

Metro

High-grade marijuana, <b>nasabat ng pulisya matapos i-deliver sa fast food resto</b>

Sinunggaban naman ito ni Jodi. Maraming pagkakataon daw na hindi siya nakukuha sa mga commercial audition, hanggang sa isang araw, nag-audition siya para sa panibagong batch ng Star Circle (dating tawag sa Star Magic) ng ABS-CBN.

"Pumunta kami ng go-see for commercials. So pumupunta kami nang pumupunta pero wala talaga kaming project na nakukuha. Kasi I think napaka-specific ng hinahanap nila for a commercial, hind ba? And then I said, ‘Okay na ako, at least na-try ko, baka hindi ako para diyan,’" pagbabahagi ni Jodi.

“And then tumawag na naman siya (talent scout) sabi niya na may pa-audition ang ABS-CBN looking for people to audition for the new batch of Star Circle 7. I’m like ‘Sige try ko.’ Nagpunta kami doon, nag-bus kami. Pagdating doon,‘Oh my gosh ito na ‘yung ABS-CBN!’ Ito pala itsura niya."

“Pero noong time na ‘yun, kung hindi man ako matanggap, okay lang. Ang gusto ko lang makakita man lang ako ng artista,” dagdag pa niya.

Pagbabahagi pa ni Jodi, umaabot lamang ng ₱1,500 ang starting talent fee noong bagito pa lamang siya bilang artista at nagsisimula pa lamang na magkapangalan sa industriya. Isa sa mga tumatak na proyektong kinabilangan niya ay ang youth-oriented Sunday series na 'Tabing-Ilog' kasama sina Kaye Abad, Baron Geisler, Patrick Garcia, Desiree Del Valle, Paula Peralejo, Paolo Contis, at John Lloyd Cruz.

Pagtitiyaga at pagsusumikap umano ang dalawa sa mga naging susi kung paano siya nakaakyat sa tugatog ng tagumpay na tinatamasa niya ngayon, dahil sa sunod-sunod na magaganda at matatagumpay na proyektong naibigay sa kaniya ng home network.

"Before, kapag pupunta ka ng shoot, bitbit mo lahat. Bibigyan ka nila ng requirements. So, kami ni Mama, kung ano lang ang mayroon dito, kasi wala naman kami maraming clothes, eh,” aniya.

“Kasi let’s say sumweldo si Mama, ‘Oh ito lang ang budget natin. Oh ito lang ang bibilhin natin. Oh hindi pa sira ang sapatos so hindi kailangan bumili ng bago'".

Naranasan din niyang magtinda ng popcorn bilang raket sa kanilang paaralan noon. Solo parent kasi ang kaniyang ina sa pagtataguyod sa kanila.

"Tapos doon sa pagiging raketera sa school, nagbebenta kami ng popcorn. Kasi doon namin kinukuha ‘yung pambaon namin. So, 4AM gigising si Mama, gagawa siya ng parang butter, ng brown sugar, tapos may candle para pang-close ng plastic tapos ibebenta namin per pack ng twenty pesos ‘yan."

Kaya lang, "One day, pinatigil ‘yung aming small business kasi naka-komptensya na namin ‘yung canteen sa school,” natatawang sey ni Jodi.

Jodi Sta. Maria at Karen Davila (Screengrab mula sa YT/Karen Davila's vlog)

Kilala si Jodi sa pagiging lead cast ng mga matatagumpay na teleserye ng ABS-CBN gaya ng 'Be Careful With My Heart', '100 Days To Heaven', 'Pangako Sa'Yo,' 'Mea Culpa,' 'Ang Sa Iyo Ay Akin', at panghuli nga at umeere na ngayon ay 'The Broken Marriage Vow'.