Umapela si Manila Mayor atAksiyonDemokratiko presidential bet Isko Moreno sa kanyang mga supporters na tanggalin ang mga campaign materials na hindi tumatalima sa sukat na itinatakda ng Commission on Elections (Comelec).

Ang apela ay ginawa ng alkalde kasunod nang pormal nang pagsisimula ng kampanya para sa May 9, 2022 national elections bukas, Pebrero 8, Martes.

Pinasalamatan rin naman ni Moreno ang kanyang mga tagasuporta dahil sa paggastos ng kanilang pinaghirapang pera para matulungan lamang siya sa kanyang kampanya.

Gayunman, hinimok niya ang mga ito na tumalima sa mga panuntunang itinatakda ng Comelec.

Samantala, inihayag rin naman ni Moreno na ang lahat ng kandidato ay malayang makapangampanya sa Maynila, at hindi na kailangan pang kumuha ng permiso ng mga ito.

“Welcome po kayo sa Maynila. Punta po kayo dito, mangampanya po kayo dito. Sa akin nyo na po narinig. Meron na po kayong libreng permit eto na po sinasabi ko na, di na kayo kailangan mag-apply ng permit. Mag-motorcade po kayo, mag-entablado, di kayo makararamdam ng anuman,” pagtiyak pa ng alkalde.

“Para wala na tayong chismis o wento na walang wenta, go ahead umikot kayo mangampanya kayo, eto na po permit para mabura sa isipan yung mga gagawa ng kwento,” dagdag pa niya.

Nanawagan rin naman siya sa lahat ng kandidato na tiyaking kapag naglagay sila ng campaign materials, ay hindi ito magiging eyesores at tumatalima sa Comelec rules and regulations.

Mary Ann Santiago