Kung maisaayos at maging compliant ang ABS-CBN sa umano’y mga naging paglabag nito, hindi pipigilan ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang muli nitong paghiling ng panibagong franchise sa Kongreso sakaling siya ay mahalal na Pangulo.

“It’s not up to me to re-open ABS-CBN. It’s not up to the President, it’s up to the Congress, it’s up to the House of Representatives,” paglalahad ni Marcos sa programang “Upuan ng Katotohanan” ni Korina Sanchez.

Nilinaw naman nitong hindi niya pipigilan ang anumang tangka ng network na mag-apply muli ng panibagong prangkisa.

“Ayusin lahat yun [mga umano'y paglabag] tapos ilapit nila ulit sa franchise committee. Edi maganda yung posibilidad na i-grant nila yung franchise,” ani Marcos.

Matatandaang noong Mayo 5, 2020, sa ilalim ng cease ang desist order ng NTC, nawala ang broadcast ng ABS-CBN sa free TV matapos mapaso ang kanilang license to operate.

Dalawang buwan matapos mawala sa ere ang ABS-CBN, sinagot nito ang patong-patong na isyu sa Kongreso ngunit bigo pa ring naiuwi ng kompanya ang panibagong 25-year franchise.

Sa botong 70-10, hinarang ng House Committee on Legislative Franchises ang hiling nitong panibagong franchise sa kompanya.

Ilan sa mga tinalakay na isyu sa Kongreso ang umano’y pag-isyu ng ABS-CBN ng Philippine depositary receipts (PDRs) sa foreign investors, ang dual citizenship ni ABS-CBN chair emeritus Gabby Lopez, TV Plus Box, KBO pay-per-view at bukod sa iba pa.BBM, ‘di pipigilang humiling ng bagong prangkisa ang ABS-CBN sakaling mahalal na Pangulo