Sa panayam ni Korina Sanchez kay Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos sa programang “Upuan ng Katotohanan,” ibinunyag nitong noong una ay wala talaga siyang planong sundan ang yapak ng ama sa larangan ng politika. Paano nga ba nauwi sa parehong larangan ng kanyang ama ang batang Marcos?

Namulat na sa Malacanang ang batang Marcos nang manungkulan ang ama na si Ferdinand Marcos Sr. bilang Pangulo ng bansa sa loob ng 20 taon mula 1966 hanggang 1986. Dahil dito, hindi lingid sa kanya na mahirap ang larangan ng politika.

“Napakahirap talaga ng politika. Dahil maraming…gusto mong magtrabaho, gusto mong makatulong, marami talagang kailangang gawin. Kung minsan hindi maliwanag kung anong pinakamagandang gawin,” sabi ni Marcos.

“At kahit ano pang gawin mo meron kritiko diyan kaya’t siguro kailangan talagang ano ka… nauunawaan mo at nakakatiyak ka sa ginagawa mo. Kahit na pinipintasan ka o may nambabatikos, alam mong tama ang ginagawa mo,” dagdag ng dating senador.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Sa edad na 23 taong gulang, sa kabila ng unang dis-interes sa politika nahalal bilang Vice Governor ng Ilocos Norte ang batang Marcos noong 1980 sa pakiusap ng ama na siya ang humalili sa kamag-anak na gobernador na noo’y dinapuan ng sakit.

“Wala akong balak na pumasok sa politika. Talagang umiiwas nga ako sa politika dahil nga ‘yung father ko sabi napakadumi na yan... in terms of his political position lahat na nagawa na niya, sabi ko ‘bakit?’ at saka nakita ko yung sakripisyong dinadaanan niya, gaano kahirap yung trabaho niya,” sabi ni Marcos.

“Kaya’t sabi ko, ‘mas madali lang siguro mag-private na lang ako, sa private sector na lang ako, magnenegosyo na lang ako o maghanap ako ng ibang gagawin,’” pagpapatuloy ni Marcos.

“Pero mahirap talaga yung buhay na nararanasan nung aking ama so iwas lang ako nang iwas,” dagdag na saad niya.

Gayunpaman, nagpatuloy si Marcos sa kanyang karera sa politika bilang gobernador ng lalawigan ng Ilocos Norte mula 1983 hanggang 1986.

Kasunod ng kanyang pagbabalik sa bansa matapos ang makasaysayang pagpapatalsik sa kanyang ama sa Malacanang sa pamamagitan ng EDSA People Power Revolution, isang personal na dahilan ang nagkumbinsi sa kanyang pasukin muli ang politika, bilang Congressman naman ng ikalawang distrito ng Ilocos Norte noong 1992.

“I was actually seriously thinking of returning to the military, sabi ko ‘dun na lang ako magka-career,’” dagdag ni Marcos na una nang naging kasapi ng military noong 1979.

“Ngunit nung bumalik ako [nung 1991], ‘yung nagiging political issue pa rin ang Marcos, ang pangalang Marcos, ang pamilyang Marcos. So sabi ko, so that ‘we can put that ourselves’ kailangan kong tumakbo kaya tumakbo ako bilang Congressman," aniya.

Samantala, natanong din ni Korina kung ano ang karaniwang ginagawa ng pamilya Marcos pagsapit ng Pebrero, buwan noong 1986 nang mapatalsik ang kanilang pamilya sa Palasyo.

“We don’t do very much. We just get on with our lives. We don’t do anything special for it. Wala patuloy lang ang aming ginagawa,” sabi ni Marcos.

Ang 1972 Martial Law Declaration ni Marcos Sr. ay itinuturing na "darkest chapter in Philippine history" matapos maitala ang ilang pang-aabuso at pagpatay sa mga inosenteng indibidwal.

Sa naturang episode ng “Upuan ng Katotohanan,” ipinamalas din ni Marcos ang kanyang cooking skills nang magluto ito ng Pinakbet.