Hiniling ni Vice President Leni Robredo nitong Linggo, Pebrero 6, na huwag na makialam ang mga fake news peddlers sa tulong na ibinibigay ng Office of the Vice President (OVP). Sinabi niya ito nang kumalat sa social media ang mga maling pahayag tungkol sa mga housing materials na dinala ng kanyang team sa Siargao.
“Ano naman to, eh tumulong na lang sila. Huwag na nilang pakialaman ‘yung tulong namin kasi hindi naman nila—ang maniniwala lang sa kanila ‘yung mga kasama nila na napapa-ikot ng kasinungalingan," ani Robredo sa mga reporters sa Camarines Sur.
Nagtungo ang Bise Presidente sa Brgy. Balongay para sa turnover ng sustainable livelihood subsidy sa barangay farmers and fisherfolks association.
Agn sustainable livelihood program (SLP) ay 100 porsyentong pinondohan ng opisina ni Robredo.
“Ginagawa na namin ito 2016 pa, sila ‘yung may ginagawa lang dahil eleksyon," dagdag pa ni Robredo.
Nauna nang ipinost ng official Facebook page ng Bise Presidente ang isang fake news alert sa social media platform.
Sa isang screenshot, may nag-claim na ang mga housing materials na donasyon ng Angat Buhay program ng OVP sa Siargao ay mula sa kalaban nitong si dating Senador Bongbong Marcos at ang kanyang running mate na si Davao City Mayor Sara Duterte.
Iginiit pa nung umanong post na dumating lamang si Robredo para maglagay ng mga pink na plastic bag sa site upang kunwari ay sa kanya ang donasyon.
Ang mga ginamit na larawan na ginamit ng fake news peddler ay kinuha mula sa personal post ni Robredo nang pumunta siya sa Siargao para i-turnover ang construction materials para sa Angat Buhay sa Kalikasan Buhay Village doon.
Kasalukuyang nasa Camarines Sur si Robredo para sa simula ng official campaign season sa Martes, Peb. 8.
Raymund Antonio