Pinagtibay ng Kongreso ang panukalang batas na naglalayong patuloy na ipagkaloob ang mga benepisyo sa mga pampubliko at pribadong health care workers (HCW), kabilang ang mga barangay health workers, sa panahon ng COVID-19 pandemic at iba pang health emergencies.
Bago nag-adjourn ang sesyon noong Miyerkules nang gabi para sa pagsisimula ng election campaign sa Pebrero 8, inaprubahan ng Kamara ang reconciled version o inayos na bersyon ng panukala, na nag-iinstitutionalize sa pagkakaloob ng mga benepisyo sa HCWs.
Niratipika ng Kamara ang bicameral conference committee report na nag-aayos at nagtutugma sa House Bill 10701 at Senate Bill 2421. Niratipika rin ng Senado ang naturang report.
Ang panukala ay nakatakdang ipadala sa Malakanyang para lagdaan ni Pangulong Duterte upang maging ganap na batas.
Binanggit ni Quezon Rep. Helen Tan, chairperson ng House committee on health, ang kahalagahan ng panukala para protektahan ang kagalingan ng HCWs at masiguro ang kinakailangang mga serbisyo, laluna sa panahon ng health emergencies.
Batay sa inayos o reconciled version ng panukala, ipagkakaloob ang buwanang health emergency allowance mula P3,000 hanggang P9,000 depende sa “risk exposure categorization”, sa panahon ng COVID pandemic at iba pang national health emergencies.
In-adopt din ng panukala ang “One COVID-19 Allowance” na iminumungkahi ng Department of Health (DOH).
Layunin din nito na magkaloob ng kompensasyon sa pagkakasakit o kamatayan bilang bahagi ng iba pang mga benepisyo para sa HCWs.
Bert de Guzman