Nagbabalik sa Vincentiments si Senadora Imee Marcos at Roanna Marie para sa “Kape Chronicles: Len-len and Life," ngayon, sentro sa kape ni Len-Len na “walang substance.”
Binuksan ang video sa pagmamadali ng senadora para humabol sa session kung saan inalok ni Roanna ang senadora ng kape ni Len-len habang hinihintay ito.
Dito sunod na nagpalitan ng kuro-kuro ang dalawa nang mapansing may “buo-buo” pa ang inihandang kape ni Len-len.
“Kapag nagtitimpla ka, hot water is your brain cell. Dapat kulong-kulo para makatunaw ng substance kasi kapag ‘di gaano tunaw tulad ng ganit, itong kape ni Lenlen, walang masyadong substance—malamlam, malabo, hindi malinaw,” sabi ni Marcos.
“Good coffee is not about good taste. The color must also be vibrant. Dapat malinaw ang kulay hindi malabo. Iba-iba kasi ang flavor at variant ng kape. Parang tao,” dagdag niya.
Sunod na binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng tamang paghahalo ng kape.
“Kapag ang tao ‘di masyadong nakikinig. Hindi well-mixed ang thought, hindi naghahalo-halo ang mga idea, nararamdamam at kaalaman, magiging ganito—‘di malinaw ang kulay, malabo at may palutang-lutang.”
“Kutsarita is like an adviser. Tutulungan ka nito para maging well-mixed ang wisdom para sa decision-making at iba pang important matters,” pagpapatuloy ni Marcos.
Sumabat si Roanna na “goods naman si Lenlen” dahil sa advisers nito.
“Pero dapat ang kape ‘pag tinitimpla mo, sigurado. Panlasa mo yan eh. Ba't ka aasa sa kutsarita? Ang pag-inom ng kape ay sa tasa hindi sa kutsarita,” sagot naman ni Marcos.
“Mahirap [ang] maraming advisers, too much mixing, may lulutang pa rin—bula,” dagdag ng senadora.
Nagtapos ang video na nagmamadaling umalis si Imee.
“Sabihin mo kay Len-len kahit magpalit pa siya ng kulay ng blouse, walang magbabago kung ang kape niya [ay] laging malabo. Mauna na 'ko sa kanya,” saad ni Marcos.
“Anong mas mas bagay sayo, ‘yellow o pink’? Kahit ano na, parehas lang naman yan 'di ba,” tugon ni Roanna nang tumawag si Len-len sa dulo ng video.
Matatandaang kilalang political color ng Liberal Party ang dilaw at kulay pink naman ang piniling kulay ng mga tagasuporta ni Robredo para sa kanyang kandidatura.
May disclaimer naman agad na mababasa sa caption ng video na nagsasaad na hindi "political content" ang nasabing video. Sa pag-uulat, tumabo na ito ng higit 43,000 reactions at halos 900,000 views sa Facebook.
Si Darryl Yap ang sumulat at direktor ng naturang video.
Tumatakbong Pangulo ang kapatid ni Marcos na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa darating na May 2022 elections.