Inianunsiyo nina Manila Mayor at Aksiyon Demokratiko presidential candidate Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna na aarangkada na bukas, Lunes, Pebrero 7, ang pagbabakuna ng Manila City government sa mga batang kabilang sa 5-11 age group sa newly-rehabilitated na Manila Zoo.
Ang anunsiyo ay ginawa nina Moreno at Lacuna kasabay nang isinagawang pulong para plantsahin ang mga plano sa naturang vaccination drive.
Samantala, iniulat rin naman ni Sta. Ana Hospital Director Dr. Grace Padilla sa naturang pulong na nitong Sabado ay dumating na ang may 30,000 doses ng Pfizer vaccine para sa nasabing age group.
Ayon kay Lacuna, na siyang in-charge sa health cluster ng lungsod at tumatakbo sa pagka-alkalde sa nalalapit na halalan, ang pagbabakuna sa naturang age group ay isasagawa ng buong araw ng Lunes sa Manila Zoo.
Hinimok naman ni Moreno ang lahat ng magulang at guardians ng mga nasabing bata na kaagad na pabakunahan ang kanilang mga anak upang matiyak na protektado sila laban sa COVID-19.
Ani Moreno, lumitaw sa pag-aaral sa mga pediatric groups na ang mga batang 5-11 years old ay nanganganib na magkaroon ng severe COVID.
“Multisystem inflammatory syndrome in children (MIS-C) is most frequent among children aged five to 11,” pahayag pa ni Moreno.
May mga nakita rin aniyang post-COVID conditions sa nasabing age group kabilang na ang “long COVID.”
Ang masaklap aniya, ang mga nasabing epekto ay lumilitaw matapos ang asymptomatico mild infections sa mga bata.
Sinabi pa ng alkalde na maaaring maiwasan ang COVID-19, sa pamamagitan ng tamang bakuna na aprubado ng mga awtoridad.
Nabatid na sa ngayon ay umaabot naman na sa kabuuang 18,488 batang nasa 5-11 taong gulang ang nagpahayag ng kahandaang magpabakuna laban sa COVID-19, sa pamamagitan nang pagpaparehistro samanilacovid19vaccine.ph.
Mary Ann Santiago