Nasa 1,300 na batang nasa 5-11 years old ang nakatakdang bakunahan sa San Juan City bukas, Lunes, Pebrero 7.

Ito’y kasabay nang paglulunsad na ng COVID-19 vaccination sa mga batang nasa 5-11 age group sa bansa.

Nabatid na mismong si San Juan City Mayor Francis Zamora ang mangunguna sa launching ng bakunahan sa FilOil Flying V Centre, na sisimulan dakong alas-11:00 ng umaga.

Ayon kay Zamora, ang naturang 1,300 mga bata ay tuturukan nila ng low-dose ng COVID-19 vaccine na gawa ng Pfizer.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi pa ni Zamora na hanggang nitong Pebrero 5 ay nasa 6,200 bata na ang nagparehistro sa vaccine program at nasa 1,800 ang mula sa ibang lungsod o lalawigan.

Target aniya nilang matapos na mabakunahan ang mga ito sa loob lamang ng limang araw.

Bukod kay Zamora, ang naturang aktibidad ay sasaksihan rin nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, at National Task Force (NTF) Deputy Chief Implementer at Testing Czar Sec. Vince Dizon.

Samantala, upang malibang naman ang mga bata at hindi ma-trauma sa gagawing pagbabakuna sa kanila, dinisenyuhan ng lokal na pamahalaan ang vaccination site sa San Juan City ng Children’s Party theme.

Mula Pebrero 7 hanggang 11, may mga cosplayers na magsusuot ng mga costume ng mgasuperheroesat magkakaroon rin ng mga clowns, magicians, at mga balloonists upang ma-entertain ang mga bata.

Magkakaroon rin aniya ng film screening at mamamahagi sila ng mga coloring sheets upang may magawa sila at hindi mainip habang hinihintay na mabakunahan sila.

Tatanggap rin ang mga bata ng mga loot bags matapos silang mabakunahan.

Upang maiwasan naman na magkaroon ng anxiety ang mga bata, lalagyan ng harang o divider ang actual vaccination area upang hindi makita ang mga batang binabakunahan.

“The pandemic has already caused too much stress on our children so we decided to take these extra steps because we don’t want to traumatize them, we want them to remember this as a ‘happy experience’,” anang alkalde.

“This is a huge leap from where we were last year when we have just started vaccinating our healthcare workers. The more people we vaccinate, the faster we can beat the virus,” aniya pa.

Hinikayat rin naman ni Zamora ang mga magulang na pabakunahan na ang kanilang mga anak upang maging ligtas sila sa kanilang pagbabalik-eskwela.

Mary Ann Santiago