Tinatayang 192 residente ng Quezon City (QC) ang nakatapos ng kanilang technical-vocational skills training courses sa ilalim ng Special Training for Employment Program (STEP) ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) noong Sabado, Peb. 5.
Ang STEP ay isang community-based initiative na naglalayong magbigay ng mga kinakailangang kasanayaln sa mga indibidwa upang umunlad ang kanilang entrepreneurial, self-employment at service-oriented ventures.
Isinagawa ang training program sa pakikipagtulungan ng Quezon City government at ng QC Skills and Livelihood Foundation Inc. (QCSLFI).
Ayon sa TESDA, ang mga benepisyaryo ng STEP ay binigyan ng libreng training at assessment, starter tool kits, at P60 training allowance kada araw sa panahon ng pagsasanay.
Pinangunahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang graduation ceremony, kasama sina TESDA QC District Director Mariflor Liwanag, at QCSFLI officer-in-charge Valerie Bernardino.
Kasama rin sa naturang aktibidad sina Councilor Hero Bautista, Councilor Ivy Lagman, Councilor Marra Suntay, Councilor Irene Belmonte, dating Councilor Janet Malaya, District 4 Action Officer Engineer Alberto Flores, at Barangay Kamuning Chairwoman Armida Castel.
Binigyan ng portable oven, baking tray, panukat na kutsara at tasa, whisk, mixing bowl, at cake pan ang bawat nagtapos sa baking at pastry production.
Samantala, ang mga nagtapos ng Motorcycle and Small Engine System (MSES) training program ay binigyan ng tig-isang tool box para sa maintenance at repair work.