Isa ang naiulat na binawian ng buhay at mahigit sa 20 na bahay ang naabo sa isang sunog sa San Jose, Occidental Mindoro nitong Sabado, Pebrero 5.
Kinilala ng mga awtoridad ang nasawi na si Benigno Urbano, 22, taga-nasabing lugar.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection sa lugar, nakuryente si Urbano nang tangkaing tumakas sa pinangyarihan ng insidente.
Dakong 1:00 ng hapon nang sumiklab ang isang bahay sa Sitio Riverside, Brgy. San Roque, at kaagad na gumapang ang apoy sa mga katabing bahay.
Posible umanong nagmula ang apoy sa posporong pinaglalaruan ng mga bata malapit sa pinangyarihan ng insidente na ikinaabo ng bahay ng 23 na pamilya.
Gayunman, iniimbestigahan pa rin ng mga awtoridad ang insidente.