Hinikayat ni dating PNP chief Ret. General at senatorial aspirant Guillermo Eleazar ang publiko na ang mga kandidatong sa tingin nila ay tunay na maglilingkod sa bayan ang ihalal sa nalalapit na May 9, 2022 national and local elections.

Sa ambush interview sa mga mamamahayag sa isinagawa niyang motorcade nitong Sabado sa lalawigan ng Rizal, sinabi ni Eleazar na natutuwa siyang makita ang interes ng mga mamamayan sa nalalapit na halalan.

Giit niya, mahalagang maging matalino ang mga mamamayan sa pagboto upang ang mga karapat-dapat na kandidato ang maluklok sa puwesto.

"Natutuwa naman tayo dahil nakita natin ang interes ng ating mga kababayan sa halalang ito.  Napakahalaga na pipili tayo ng mga ihahalal natin na talagang maglilingkod sa ating bayan," ani Eleazar.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Tiniyak rin ng heneral na handa siyang sinserong maglingkod sa mga mamamayan tulad ng kanyang ginawa sa buong panahon ng panunungkulan niya sa PNP.

"Kaya nga po ito ay pagkakataon rin para iparating sa ating mga kababayan na nandito po ako para well i-offer ang sarili para patuloy na maglingkod," aniya pa.

"Ako naman po ay galing sa mahabang serbisyo, hindi man alam ng ating mga kababayan kahit man ako dati pa na itutuloy ko ang serbisyo kaya nga ito sa akin naman ito ay pagkakataon na ipakilala ang aking sarili and at the end of the day sa awa ng Diyos at siyempre ang magde-decide ay ang taong bayan," aniya pa. 

 

Nagpahayag rin naman ng katuwaan si Eleazar sa patuloy na pagtaas ng kanyang rating sa mga isinasagawang survey para sa eleksiyon.

"Siguro po ay wala naman akong pwedeng maipagyabang kung hindi yung mahabang paglilingkod sa bayan na kasama nyo.  So ako ay natutuwa na unti-unti base doon sa mga survey ay tumataas tayo.  Hindi pa nag-uumpisa ang kampanya eh tumataas na, kaya pagdating ng kampanyahan baka lalong tumaas pa siya.  Pero sinasabi nga natin na sa tao sila ang magde-decide at nandidito naman tayo para i-offer ang ating sarili kung sakaling kanilang pagtitiwalaan," aniya pa. 

Mary Ann Santiago