Iba-iba ang naging reaksyon at komento ng mga netizen sa lumabas na wise voting campaign kung saan tampok ang mga 'love hugot' ni Kapamilya star Angelica Panganiban, na may tagline sa dulo na 'Wag magpapabudol, 'Wag sa magnanakaw' para sa darating na halalan 2022.
Bagama't wala naman umanong kandidatong pinangalanan, marami umano sa mga basher ang triggered na dinaot-daot, binatikos, at halos ipako sa krus ang magaling na aktres, lalo na nang lumabas ang parody version dito ni 'Juliana Parizcova Segovia', na ang tagline naman ay 'Wag magpauto sa pa-victim'.
Bukod sa panlalait, inihahambing pa si Angelica Panganiban sa mga kapwa celebrity na sina Toni Gonzaga at Lucy Torres-Gomez.
Reaksyon naman ni Cristy Fermin sa kaniyang radio program/digital show na 'Cristy Ferminute', hindi umano siya makakapayag na basta-basta na lamang yurak-yurakan ng mga basher ang pangalan ni Angge, na bata pa lamang ay nag-umpisa nang sumikat sa iconic movie na 'Sarah: Ang Munting Prinsesa' bilang 'Becky' noong 90s.
Nagulat umano ang showbiz columnist na may tumawag pang 'starlet' sa award-winning actress. Sa showbiz, kapag sinabing 'starlet', ibig sabihin ay wala pang napapatunayan ang isang talent; hindi pa ganoon kaningning ang pangalan, kagaya sa isang bituin na kumukuti-kutitap sa alapaap sa pagsapit ng gabi.
"Ito ang pinakamatindi, tinatawag siyang starlet… ang tawag sa kanya, isa siyang starlet na nagpapapansin. Ako naman, hindi naman ako sang-ayon na tawaging starlet si Angelica Panganiban, ang dami na rin naman niyang nagawang pelikula na talaga namang naghakot ng pera para sa kanyang produksyon," sey ni Cristy.
"Maliit pa lamang si Angelica Panganiban, nagpakita na ng galing sa pag-arte, at marami siyang nagawang pelikulang tumatak at nagkaroon pa nga ng award."
Apela niya, huwag umanong tawaging starlet ang taong nagsumikap at ginalingan naman upang maabot ang pangarap.
“Huwag naman po nating tawaging starlet ang isang tao na nangarap, nagsikap at nagtagumpay. Hindi ako payag doon,” sey pa ni Cristy, bagay na sinang-ayunan naman ng co-host na si Romel Chika.