Para sa isang arkipelagong bansang tulad ng Pilipinas, ang mga tulay ay mahalagang imprastraktura na nag-uugnay sa mga isla. Ito ay instrumento ng pag-unlad at pag-uugnay sa mga komunidad.

Sa ilalim ng programang ‘Build, Build, Build’ ni Pangulong Duterte, walang humpay ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagpapagawa ng iba’t ibang imprastraktura, kabilang ang mga kinakailangang tulay sa mga lungsod at kanayunan.

Sa termino ni dating Secretary Mark Villar mula 2016- 2021, nagawa ng DPWH ang 5,950 tulay—1,366 ang pinalawak, 355 ang ginawa, 1,805 ang na-retrofit, 1,389 ang na-rehabilitate at 297 ang pinalitan. Humigit-kumulang 738 lokal na tulay ang naitayo rin.

Kasama sa planong i-decongest ang National Capital Region ang pagtatayo ng 11 tulay sa ilalim ng Metro Manila Logistics Network. Ang mga tulay na ito ay magbibigay ng mga alternatibong ugnayan sa pagitan ng mga pangunahing lansangan. At dahil mas maraming magagamit na daanan, ito ay magreresulta sa pagluwag ng trapiko sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, partikular sa EDSA.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Ang mga tulay na kasama sa masterplan ay ang: Binondo-Intramuros Bridge, Palanca-Villegas Bridge, North and South Harbor Bridge, Estrella-Pantaleon Bridge, Kalayaan Bridge, Kabayani Street-Matandang Balara Bridge, Homeowners Drive-A. Bonifacio Avenue Bridge, Marcos Highway-Saint Mary Avenue Bridge, Lambingan Bridge, Guadalupe Bridge, at ang East Bank-West Bank Bridge 2.

Sa pagtatapos ng Estrella-Pantaleon Bridge na nag-uugnay sa mga lungsod ng Makati at Mandaluyong sa Pasig River, mahigit 9,000 sasakyan bawat araw ang inililihis mula sa mga katabing tulay, tulad ng Makati-Mandaluyong Bridge at Guadalupe Bridge.

Ang Kalayaan Bridge ay bahagi ng BGC-Ortigas Center Link Road Project. Ngayon ay 12 minuto na lang ang travel time sa pagitan ng BGC at Ortigas Center.

Kapag natapos na ang Binondo-Intramuros Bridge, maililihis nito ang humigit-kumulang 30,000 sasakyan kada araw mula sa mga katabing tulay.

Marami na rin natapos na mga tulay sa iba’t ibang bahagi ng bansa, tulad ng: Lucban Bridge sa Cagayan, Marcos Bridge sa Marikina, Pigalo Bridge sa Isabela, Anduyan Bridge sa La Union, Tallang Bridge sa Cagayan, Caguray Bridge sa Occidental Mindoro, Pasac-Culcul sa Pampanga, at Maddiangat Bridge sa Nueva Vizcaya.

Ang Sicapo Bridge, pati na rin ang mga tulay ng Tabbayagan at Madduang, ay parte ng Apayao-Ilocos Norte Road. Hindi na kailangang dumaan ng Cagayan Valley Region ang mga motoristang galing sa Cordillera Region papuntang Ilocos Region, kaya tatlong oras na lang ang biyahe sa halip na mahigit anim na oras.

Ang pinalawak na Bolobolo Bridge sa Misamis Oriental ay nagdudulot ng mas maayos na daloy ng trapiko sa lugar. Nakikinabang dito ang mga magsasaka dahil mas napadali ang pagdala ng kanilang mga produkto sa malalaking pamilihan sa lungsod.

Isa sa 467 tulay na nakumpleto sa Western Visayas ay ang Aganan Bridge sa Iloilo. Mas mabilis na ang paglalakbay mula sa Munisipyo ng Maasin patungo sa Munisipyo ng Alimodian, San Miguel at sa Katimugang Iloilo.

Bukod sa 5,950 na tulay na natapos, mayroon pang 1,859 na isinasailalim sa konstruksyon. Ang lahat ng ito ay bahagi ng pagsisikap ng Duterte Administration na mapagdugtong ang mga komunidad sa bansa at mapaunlad ang mga nasa kanayunan.