Mula na mismo kay Kapuso actress at fashion icon Heart Evangelista ang balitang hinihintay niya na lang ang release date ng ginawang Netflix project.
Sa isang press conference nitong Biyernes, Pebrero 4, ibinunyag ng actress-vlogger and style socialite na tapos na nitong magawa ang isang pelikula at hinihintay na lang na maipalabas sa streaming giant na Netflix.
“Hindi ko alam sa totoo lang kung kailan siya lalabas,” pagbibigay detalye ni Heart.
“Kasi with anything abroad siguro, parang ‘di mo siya aasahan because it’s really destiny for me if you want to achieve anything in Hollywood,” dagdag ni Heart.
Una nang naging usap-usapan ang umano’y nakatakdang paglabas ni Heart sa ikalawang season ng Netflix series na “Bling Empire” nang makasama niya sa Los Angeles noong Agosto 2021 ang producer na si Kane Lim na cast din ng nabanggit na proyekto.

Hindi naman kinumpirma ni Heart kung siya nga ay dagdag sa cast members Bling Empire.
Kamakailan lang ay naging trending ang awrahan ng aktres sa naganap na Paris Fashion Week.