Kung mananalo bilang senador ang aktor na si Robin Padilla sa Halalan 2022, hindi siya “makikihalo sa mga imbestigasyon” ng Senate Blue Ribbon Committee at sa halip ay nais niyang maging bahagi ng Senate Oversight Committee upang suriin ang kasalukuyang mga batas na aniya’y pang “Guinness World of Records” sa dami ngunit “kulang ang implementasyon.”

Sa panayam ng ANC nitong Huwebes, Perbrero 3, habang bukas siya kung may tyansa sinabi ng aspiring senator na hindi na niya papasukin ang mga imbestigasyon ng Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigationso mas kilala bilang Senate Blue Ribbon Committee.

Ang naturang komite ay inaatasang bantayan ang mga katiwalian sa gobyerno, mga opisyal at sangkot na korporasyon nito kagaya ng kilalang kaso ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na nahaharap sa matitinding alegasyon kaugnay ng overpriced COVID-19 supplies.

Para kay Padilla, mas nais niyang pagtuunan ng pansin ang Oversight Committee sakaling maupo sa Senado.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Mas gusto ko kasi sa Oversight committee. Gusto kong pag-aralan yung mga batas na ginawa nila na marami namang hindi sumusunod katulad ng Rice Tarrification Law, number one yan; number two, yung New Fishing Law; number three, yung New Mining Law—lahat yan gusto kong tignan muna,” ani Padilla.

“Yung Blue Ribbon [Committee] kasi hindi naman ako pulis. Hindi naman ako abogado. Pwede naman ako maki-upo-upo dun, makinig, pero di ako pwede magmagaling diyan,” dagdag ng aktor na tumatakbong senador.

Gayunpaman, binanggit din ng aktor ang kanyang natapos na programang Criminology, dahilan para ganap na maging handa sa mga imbestigasyon ngunit hindi niya nakikita ang sarili sa Senate committee.

“For me, itong sistema ng gobyerno na ‘to, makikihalo pa 'ko sa mga imbestigasyon na ‘yan, hindi na,” giit ni Padilla.

Isusulong ni Padilla ang “karapatan ng maliliit” sakaling mahalal na senador. Nais din niyang suriin ang ilang mga batas na hindi umano napakikinabangan ng mga Pilipino kagaya ng New Fishing Law at Rice Tarrification Law.

“Ang batas po kasi sa Pilipinas, pwede na tayo malagay sa Guinness World of Records. Ang dami na nating batas--mga batas na kulang sa implementasyon kaya nandyan ang Oversight Committee kaya matanong ang mga ahensya ng gobyerno para malaman kung ano ang ginagawa [nila] para maimplementa ang batas,” dagdag ni Padilla.

Si Padilla ay isa rin sa mga masugid na tagasuporta ng pagsusulong ng Pederalismo sa bansa.

Samantala, hindi itinuturing ni Padilla ang sarili bilang isang politician bagkus ay isang “revolutionary” na hangad ang pagbabago sa gobyerno.

Si Padilla ay tumatakbo sa piket ng PDP-Laban.