Sisimulan ng pamahalaan ang pamamahagi ng coronavirus disease (COVID-19) vaccines para sa mga batang may edad na lima hanggang 11 sa iba’t ibang pediatric vaccination centers simula sa Sabado, Peb. 5, sinabi ng isang opisyal ng Department of Health (DOH).

“Starting ng madaling araw ng [Peb.] 5 ay idedeliver na po iyan,” sabi DOH Undersecretary Myrna Cabotaje sa isang press briefing nitong Biyernes, Pebrero 4.

Nakatakdang ilunsad ng gobyerno ang pagbabakuna para sa COVID-19 para sa nasabing age group sa Lunes, Peb. 7. Ang programa ay unang isasagawa sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon. Palalawakin ito sa ibang mga rehiyon sa Pebrero 14, ani Cabotaje.

Ang pagbabakuna sa mga batang may edad na lima hanggang 11 ay nakatakdang nitong Biyernes, Peb. 4, ngunit ipinagpaliban dahil sa pagkaantala sa paghahatid ng bakuna. Ang mga bakuna ay dapat na sanang naihatid noong Huwebes, Peb. 3.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ni Cabotaje na humigit-kumulang 780,000 Pfizer-BioNTech vaccine dose na gagamitin para sa age group na ito ang darating sa bansa sa Biyernes ng gabi.

“It has already left Brussels. It was in Hong Kong and it’s going to arrive tonight. Mayroon na rin kaming mga allocation per area depende kung ano yung immediate na nai-submit nilang registration,” aniya.

Sa kaugnay na development, nakatakdang isagawa ng gobyerno ang ikatlong pambansang pagbabakuna sa Peb.10 at 11.

Sinabi ni Cabotaje na ang layunin ng hakbang na ito ay pataasin ang rate ng pagbabakuna sa mga lugar na mababa pa rin ang bilang ng mga nabakunahang indibidwal.

Binigyang-diin ng opisyal ng DOH ang kahalagahan ng pagbabakuna sa mga senior citizen dahil bulnerable sila sa COVID-19.

“[Ito ay] nationwide para mabigyan diin na kailangan magbakuna na mga for first doses tapos yung mga boosters. Importante ang pag ramp up ng pagbabakuna para sa ating A2 [senior citizens] and A3 [persons with comorbidities],” sabi ni Cabotaje.

“Ipa-prioritize natin sa mga areas na kailangan ng additional boost para tumaas ang kanilang vaccination coverage, especially sa senior citizens,” dagdag niya.

Analou de Vera