Hindi maawat ang streaming power ng zombie apocalypse series na “All Of Us Are Dead” sa Netflix matapos basagin nito ang record ng kapwa South Korean content na “Squid Game,” tatlong araw matapos ito i-release sa publiko.
Sa opisyal na datos ng Netflix para sa kabuuang streams ng All Of Us Are Dead mula Enero 28-30, tumabo na ito sa halos 125 million streams sa Netflix, dalawang beses sa record ng Squid Game na nasa higit 63 million streams lang tatlong araw matapos maging available sa streaming giant Netflix.
Sa ulat naman ng Flix Patrol, isang online streaming measurement tool, sa 849 points, nananatiling Top TV show ang All Of Us Are Dead sa loob ng anim na magkakasunod na araw mula nang mailabas ito sa Netflix. Ito ay sinundan ng “In From the Cold” na may 485 points, “The Woman in the House Across the Street from the Girl in the Window” na may 486 points, “Raising Dion” na may 372 points at “Dark Desire” na may 365 points.
Sa Pilipinas, ang All Of Us Are Dead pa rin ang tumatabo pa rin bilang Top TV show na sinundan ng kapwa South Korean content na “Our Beloved Summer.”
Ang series ay tungkol sa isang grupo ng mga estudyante sa Hyosan High School na naging epicenter ng virus kung saan nagiging agresibo at nagututom sa laman ng tao ang sinumang dadapuan nito sa pamamagitan ng kagat o pagpahid ng dugo ng infected sa isang sugat ng tao.
Ang patok na series ay orihinal na nilikha bilang isang webtoon ni Joo Seong Geun.