Kinapanayam ng isang entertainment editor ng isang pahayagan ang senatorial aspirant na si Robin Padilla sa dahilan umano ng pagkandidato nito.

Kilala umano si Binoe na hindi mapigil ang bibig sa mga nais niyang sabihin, lalo na't alam niyang mali ito. Katwiran niya, isa siya sa mga taong nagbabayad ng malaking buwis sa bansa kaya may karapatan siyang maglabas ng kaniyang saloobin sa mga nangyayari sa bayan.

“Noon pa talaga maingay na ako. Hindi ko naman maisara ang bibig ko pag may nakikita akong hindi tama kasi ang laki ng mga binabayaran naming mga artista sa tax!" diretsahang pahayag ni Robin.

"Kaya kapag hindi ko gusto ang mga nangyayari nagsasalita talaga ako. Pero kasi kapag pinakikinggan ako tulad ng mga mahal nating naging pangulo hindi lang naman si Mayor Rodrigo Roa Duterte, pati rin naman sila presidente GMA (Gloria Macapagal Arroyo) noon, presidente Fidel Ramos, mga patungkol ‘yun sa pagtulong sa kapwa."

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

“Kung paano tayo makakatulong sa mga kababayan natin pero dumating kasi sa oras na hindi naman puwedeng puro awa na lang ang ibigay natin sa mga kababayan natin. Ang gusto natin magkaroon ng tunay na pagbabago,” ani Robin.

Dumating na raw sa punto na sawa na siyang mag-endorso ng mga kandidato. Wala naman daw kasing nangyayari, bagama't wala naman siyang pinangalanan kung sinong kandidato ba na sinuportahan niya noon ang tinutukoy niya. Kaya rin nagdesisyon na siyang pumalaot sa mundo ng politika.

“Kaya naman ako pumasok sa politika kasi sawang-sawa na ako sa kakaendorso. Maniniwala ako sa isang kandidato, i-eendorso ko magmula national hanggang local pero kapag nakaharap ko na uli ‘yung mga tao hindi pa rin nagbabago ‘yung sitwasyon ng pamumuhay nila."

Aminado naman si Robin na nawalan umano siya ng trabaho dahil sa buong pagsuporta niya kay Pangulong Rodrigo Duterte. Ang huling programa na kinabilangan ni Robin ay pagiging hurado ng 'Pilipinas Got Talent (PGT)' ng ABS-CBN noong 2018 kasama sina Vice Ganda at Angel Locsin.

“Kaya nagdesisyon ako kahit labag na labag sa kalooban ko ‘to para matapos na rin at magkaalam-alam na kasi naaapektuhan na rin ‘yung career ko (showbiz) kasi mula noong nag-full blast ako ng suporta kay PRRD, nawalan ako ng maraming trabaho kasi maraming sinagasaan si mayor na mga oligarko na dati kong mga boss."

"Eh, siyempre nawalan ako ng trabaho, gayundin sa pamilya ko kasi kinukuha nito ang oras ko. Hindi pa ako politiko nasa field na ako. Kung saan-saan na ako hindi na ako mahanap ng asawa (Mariel Rodriguez-Padilla) minsan."

“E, siguro once and for all para matigil na rin ako tulad ng speech ko sa Comelec na pag nanalo ako, ito ang destiny ko talaga, pag natalo ako, eh, tatahimik na ako talaga hindi n’yo na ako maririnig,” pagbabahagi pa ng action star.

Ang misis niyang si Mariel umano ang gumagastos sa kaniya ngayon sa pagpapagawa ng t-shirts at tarpaulins na ipinamumudmod niya sa pagkandidato bilang senador sa Mayo.

Natanong din si Robin kung sino sa mga naging pangulo ng bansa ang nakapagbigay ng malaking kontribusyon sa bansa, magmula sa yumaong Ferdinand Marcos, Sr. (na ama ngayon ni presidential candidate Bongbong Marcos, Jr.) hanggang kay PRRD.

“Si Andres Bonifacio, balik po tayo sa unang pangulo. Siya kasi talaga ‘yung unang nagmulat sa ating mga Pilipino para mag aklas. Para lumaban tayo sa mga dayuhan na umaapi sa atin. Yung rebolusyon na naumpisahan niya ay hindi natapos sapagkat siya ay naging biktima ng politika. Ang rebolusyon ni Andres Bonifacio ay lumaya tayo sa kahirapan."

“Ang tanong ko sa ating lahat ngayon, lumaya na po ba tayo sa kahirapan? Meron po bang nagawa ang sumunod na pangulo na si Emilio Aguinaldo hanggang sa pangulong Rodrigo Roa Duterte? Nakaahon na po ba tayo sa kahirapan?” tanong ni Robin.