Nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian nitong Miyerkules kay Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi at 11 iba pang opisyal na magbitiw na sa puwesto kaugnay ng umano'y anomalya sa ahensya.
Sa kanyang privilege speech nitong Miyerkules, umapela rin ang senador na sampahan si Cusi ng kasong paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), gross neglect of duty at misconduct si Cusi at iba pang opisyal ng DOE.
Isinagawa ng senador ang hakbang sa naging resulta ngimbestigasyon ng Senate Committee on Energy kung saan natuklasang minadali umano ng DOE ang pag-apruba sa pagbebenta ng 45 percent na shares ng Chevron sa kumpanyang UC Malampaya na subsidiary ng Udenna Corporation na kapos sa financial capability.
Binanggit nito na nang magsagawa ang DOE ng financial evaluation, hindi ang UC Malampaya ang sinuri kundi ang UC 38 LLC na pag-aari ng Chevron Malampaya.
Umabot umano sa $565 milyon o katumbas ng₱40 bilyon ang halaga ng Chevron shares na ibinenta sa UC Malampaya.
Pabagu-bago rin aniya ang polisiya ni Cusi dahil sinabi umano nito noong una na kailangang aprubahan ng DOE ang bentahan ng shares.
Gayunman, inihayag ni Cusi sa isang Senate investigation na hindi na kailangan ang approval ng DOE.
Idinagdag pa ng senador na mahalaga ang Malampaya dahil pinagkukunan ito ng enerhiya upang mapailaw ang mahigit sa 4.5 milyong bahay sa Mega Manila.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Cusi na maglalabas ito ng pahayag sa lalong madaling panahon.