Pitong highly-urbanized cities (HUCs) pa sa Luzon ang nakikitaan na rin ng downward trend sa COVID-19, ayon sa independent monitoring group na OCTA Research Group nitong Huwebes.

Ayon kay OCTA Fellow Dr. Guido David, kabilang sa mga naturang HUCs ang Angeles City, Baguio City, Dagupan City, Lucena City. Naga City, Olongapo City at Santiago City.

Sinabi ni David na ang Angeles, Dagupan, Lucena, Naga at Olongapo ay kasalukuyan nang nasa moderate risk sa COVID-19 habang nananatili pa ring nasa high risk ang Baguio at Santiago City.

“Downward trends [have been] observed in Angeles, Baguio City, Dagupan, Lucena, Naga City, Olongapo and Santiago. At moderate risk are: Angeles, Dagupan, Lucena, Naga City and Olongapo, while the others are at high risk,” tweet pa ni David.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Batay sa datos na ibinahagi ni David sa kanyang Twitter account, nabatid na ang Angeles City ay nakapagtala na lamang ng one-week growth rate na -57%; habang ang Baguio City ay may -50%; angDagupan naman ay may -67%; ang Lucena ay may -57%; ang Naga City ay may -53%; Olongapo, ay may -56% at Santiago ay may -51%.

Bumabagal na rin naman ang hawahan ng virus sa mga naturang HUCs dahil ang kanilang reproduction number o yaong bilang ng mga taong maaaring maihawa ng sakit ng isang pasyente ay pawang mas mababa na sa 1.

Nabatid na nasa very low risk na ang reproduction number sa Angeles na nasa 0.62 na lamang, Dagupan at Lucena na parehong nasa 0.64, Naga City na nasa 0.69 at Olongapo na nasa 0.63.

Nasa low risk na rin naman ang reproduction number sa Baguio City na nasa 0.81 gayundin ang Santiago City na nasa 0.82.

Iniulat rin naman ni David na ang Puerto Princesa ay nakapagtala pa rin ng positive one-week growth rate na 4% at nasa 1.73 pa rin ang reproduction number nito.

Mary Ann Santiago