Naging viral sa social media ang biglang pagpapatigil ni 'It's Showtime' host Vice Ganda sa pagsayaw ng isang contestant sa pinakabagong segment ng noontime show: ang 'Showtime Sexy Babe' dahil sa todo-hataw na pagsayaw ng contestant sa saliw ng awiting 'Bad Romance' ni Lady Gaga habang nakabikini.
Maya-maya ay itinodo nito ang pagbayo sa kaniyang may kalakihang dibdib kaya agad na lumapit si Vice Ganda upang pahintuin ito.
"Ate, ate, wait lang ate… "Puwede bang mag-drawing ka na lang? Ok ka naman do'n? Ok ka ba ro'n?" sansala ng natatawang TV host. Mukhang natawa rin naman ang contestant at hindi na-offend sa ginawa ni Vice.
Ngayon naman, viral sa TikTok ang video clip ng 'Sexy Babe' na tinanong sa Q&A, na 'Kung may bahagi ng isang katawan mo na maaaring lagyan ng filter kapag pinost mo, ano ito at bakit?" tanong ni Vice Ganda.
Maya-maya, sumagot ang Sexy Babe contestant.
"Para sa akin, siguro yung dede ko," natatawang sagot ng contestant. Mapapansin naman na natahimik ang mga host sa sagot nito, marahil hindi sila nakapaghanda sa 'choice of word' na sinabi nito.




"Kasi kapag yung dede nilagyan mo ng filter…"
Maya-maya ay inawat na ito ni Vice Ganda.
"Teka lang, sandali, ita-time out lang kita, parang nahihilo ako… ninenerbiyos ako sa iyo, puwede ba nating pag-usapan 'yan? Ah… boobs na lang," suhestyon ni Vice.
"Dibdib…" giit naman ni Ogie Alcasid.
"Dibdib, oo, dibdib na lang…" sang-ayon ni Vice Ganda.
Dumepensa naman si Vice.
"Pero wala namang malisyang pinag-uusapan 'di ba? Body part. Since tinanong naman natin ay body part, it's a body part. So, gusto mong lagyan ng filter yung dibdib…"
Tila nag-isip naman ang contestant at upang i-break ni Vice ang dead air, bumanat siya ng biro.
"Parang naghina yung tuhod ko," saad ni Vice at kunwari ay nanlambot at nagpagewang-gewang palapit sa co-host na si Vhong Navarro.
"Ang taas ng energy ko kanina, parang nawalan ako ng energy…"
Maya-maya ay binalikan na ni Vice ang contestant.
"Puwedeng baguhin?" natatawang tanong ng contestant.
"Sige… babaguhin na rin namin yung segment namin bukas," natatawang hirit ni Vice Ganda na ikinatawa naman ng mga kapwa host. "Baka mag-declamation contest na lang kami, hahaha."
"Lord, help me," sabi naman ng natatawang si Ogie.
Maya-maya, pinalitan ng contestant ang sagot. 'Mukha' na lang daw. Sabi naman ni Ogie, dinidibdib daw ng contestant ang kaniyang sagot para manalo.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksyon at komento mula sa mga netizen.
"Wala naman talagang bastos… kultura lang talaga ng Pinoy ang mali."
"Wala naman talaga, yung proper term lang na mas hindi malaswa pakinggan."
"Si Ate alam na nasa national TV 'yun pa talaga ang binanggit."
"Ewan ko ba… bakit awkward banggitin 'yan. Pag-iisip lang ng tao ang mali, hindi ang salita."
"Naku nakaka-ilan na kayo, magbaba na ng memo niyan si Bro. Eddie V. Chaaaarr!!!"
"Nakulangan sa orientation. Haha. Iyan nakukuha sa pagkuha ng mga jologs na contestants. Nakakaaliw talaga 'to."
"Nahuhuli na talaga tayo 2022 na wala namang masama sa sinabi ni ate."
"Mga tao nga naman sa comments, okay lang naman daw yung dede, pero kung dededmahin naman ng mga host 'yun, sasabihin naman ng mga basher na abkit di sinabihan."
"Wala na ngang prangkisa, masususpende pa WHAHAHAHAHA. Tama lang 'yan. Awatin na kaagad. Tandaan, napapanood ang Showtime sa A2Z Channel 11 na pagmamay-ari ni Bro. Eddie Villanueva. It's a Christian network. Baka mamaya madamay pa at ireprimand ng MTRCB.
"Nag-iingat lang ang Showtime. Puwedeng okay sa atin pero hindi sa iba. Tandaan, may mga conservative pa rin tayong madlang pipol na nanonood."
Ginawa umano ni Vice ang maagap na pagpapahinto sa contestant dahil sila ay napapanood sa noontime at baka matawag ang atensyon nila ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB. Isa pa, napapanood sila sa A2Z Channel 11 ni Jesus Is Lord Church Spiritual Leader Bro. Eddie Villanueva.
Ang mga salitang taboo ay mga salitang bulgar na hindi madalas na binabanggit sa publiko, kagaya ng mga salitang lokal na katumbas ng mga salitang sekswal at bahagi ng katawan sa Ingles.