Bagong Taon, bagong karelasyon nga ba para kay Kapamilya actor Kiko Estrada?
Kamakailan lamang ay naging usap-usapan ang TikTok video ni Miss World Philippines 2021 Second Princess Janelle Lewis noong Enero 27, 2022 kasama si Kiko, at naka-tag pa ito sa TikTok account ng aktor. May caption itong “@_m.i.s.t.e.r.j #fyp #foryou”. May background music sila mula sa '5 star' ni Lil Wayne ft. Nicki Minaj.
Dinagsa tuloy sila ng mga tanong at komento mula sa mga netizen kung si Janelle na ba ang ipinalit ni Kiko sa ex-jowa niyang si Heaven Peralejo, na naugnay naman sa social media personality na si Kimpoy Feliciano, subalit mariin naman itong itinanggi ng Kapamilya actress.
"Bagong jowa?!"
"Bagong Gerald Anderson oh!"
"Hindi niya kamukha si Kiko. Kasi, si Kiko talaga 'yan."
"Bakit proud pa silang magka-jowa ng babaero?"
"Kawawa naman si @Heaven Peralejo… pagkatapos paasahin ng lalaking ito at na-drag pa sa kontrobersya, tapos ito siya may iba na agad. Naku, Kiko!"
"Ano ba naman Kiko pinag-away mo pa sina Devon at Heaven sa iba ka rin pala mapupunta."
Isang netizen naman ang nakapag-screengrab ng IG story ni Janelle, kung saan kasama pa rin niya si Kiko. Sa litrato, makikitang nakaakbay ang aktor sa beauty queen. Naka-tag ito sa IG account ni Kiko.
Sa isang press conference, naiulat na inamin ng 20 anyos na si Janelle na exclusively dating na sila ng aktor noong Nobyembre 2021, isang buwan bago siya lumahok sa Miss World Philippines.
“We’re dating po. Me and Kiko are dating po," aniya.
Ayon pa sa salaysay ni Janelle, dapat daw ay kukuning hurado si Kiko sa naturang pageant. Ngunit ng mga panahong iyon ay nasa 'getting-to-know-each-other' na sila. Pinakiusapan daw niya ang aktor na huwag sanang tanggapin ang pagiging hurado para hindi mabahiran ng malisya ang laban niya, kung sakaling manalo siya. Sumunod daw si Kiko sa kaniyang payo.
“It’s weird to have yung manliligaw n'yo po nandoon, judging you," saad niya.
Matapos daw ang Miss World Philippines stint, dito na sila mas naging close sa isa't isa. Hindi naman daw mahirap magustuhan si Kiko dahil 'super down to earth' daw ito.
“Other people may interpret him as mayabang or pilosopo. But when you actually get to know him, super soft-hearted po niya,” bida pa ni Janelle.
“It’s honestly nice to have someone who would care for you so much.”
Ipinakilala na rin umano ni Janelle si Kiko sa kaniyang pamilya. Ipinakilala na rin siya ni Kiko sa pamilya nito.
"She actually made me feel like home."
Si Janelle na ang pangatlong naging jowa ni Kiko sa loob ng isang taon. Pebrero 2021 nang maghiwalay sina Kiko at ang ex-girlfriend niyang si Devon Seron, na ang itinurong third party naman ay si Heaven Peralejo, bagama't itinanggi na ito ng dalawa.
Inamin ni Kiko na naging mag-jowa sila ni Heaven bandang Mayo 2021, nang magkasama sila sa teleseryeng 'Bagong Umaga'.
Noong Agosto 2021, matapos ang pagdiriwang nila ng monthsary, nagulat ang mga netizen nang mabalitaan na biglang nag-unfollow si Kiko kay Heaven sa Instagram. Dito na umugong ang bali-balitang nagkakalabuan na ang dalawa at baka naghiwalay na.
Nawala na rin ang mga litrato ni Heaven sa IG accounts ni Kiko.
Sa mga panayam naman kay Heaven, bagama't wala siyang kinukumpirma, binibigyan niya ng highlight ang 'self-love'.
Hanggang sa wakas, sa pamamagitan ng isang vlog, inamin ni Heaven na mahirap ang kaniyang pinagdaanan sa usaping pag-ibig kaya sarili muna niya ang pagtutuunan niya nang pansin.
BASAHIN: https://balita.net.ph/2021/10/26/heaven-peralejo-im-single-but-not-ready-to-mingle/
Samantala, wala pang kumpirmasyon naman mula kay Kiko sa estado nila ni Janelle. Hangad ng mga tagahanga nilang dalawa na sana raw ay mapanindigan na nila ang kanilang relasyon.