Binawi na ang patakarang “No Vaccination, No Ride” para sa mga commuter na gumagamit ng pampublikong transportasyon sa Metro Manila nitong Martes, Peb. 1, kasunod ng pagsasailalim sa capital region sa coronavirus disease (COVID-19) Alert Level 2, sabi ng Departament of Transportation (DOTr).

Ang Department Order No. 2022-001 ng DOTr ay nagpapahintulot lamang sa mga bakunadong indibidwal na sumakay sa lahat ng mode ng public utility vehicles (PUVs) papunta, sa loob, at mula sa National Capital Region (NCR).

Sa ilalim ng kautusan, ang patakaran ay ipatutupad lamang habang ang NCR ay nasa Alert Level 3 o mas mataas ayon sa itinakda ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Disease.

“Ang ‘no vax, no ride’ policy ay hindi perpetual o pang-habambuhay. Ito po ay ipatutupad lamang habang ang Metro Manila ay nasa Alert Level 3 o mas mataas pa,” ani Transportation Secretary Arthur Tugade.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Ibig sabihin, kung ang COVID-19 Alert Level System sa Metro Manila ay ibaba na sa Alert Level 2, ang ‘no vax, no ride’ policy sa mga pampublikong transportasyon ay awtomatikong ili-lift o isususpinde na,” dagdag niya.

Ang paghihigpit ay kabilang sa mga hakbang na ipinatupad ng gobyerno upang maiwasan ang pagkalat ng highly-transmissible Omicron variant ng COVID-19.

Ito ay alinsunod sa utos ni Pangulong Duterte na limitahan ang paggalaw ng mga hindi pa nabakunahan sa gitna ng pagtaas ng bilang ng mga impeksyon sa COVID-19 noong nakaraang buwan.

Naka-angkla rin ang polisiya sa Metro Manila Council Resolution na inaprubahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila mayors, gayundin sa mga ordinansang inilabas ng lahat ng local government units na nagbabawal sa mga hindi pa nabakunahan na sumakay sa pampublikong transportasyon.

Samantala, pinaalalahanan ni Tugade ang riding public na patuloy na ipatutupad ang minimum health protocols sa pampublikong transportasyon tulad ng pagsusuot ng face mask at physical distancing.

Mananatili rin sa 70 porsiyento ang kapasidad ng pampublikong transportasyon sa kabila ng pagbaba ng COVID-19 alert level.

“Public transport capacity will still be at 70 percent. Wala po tayong ibabawas sa supply and capacity of public transport. Any increase in capacity will have to be approved by the IATF [Inter-Agency Task Force],” paglilinaw ng DOTr.

Inanunsyo kamakailan ng pandemic task force ng gobyerno na ang NCR at pitong iba pang lalawigan ay isasailalim sa Alert Level 2 mula Pebrero 1 hanggang 15 sa gitna ng pagbaba ng bilang ng mga kaso ng COVID-19.

Ang iba pang probinsya sa ilalim ng Alert Level 2 ay kinabibilangan ng Batanes, Bulacan, Cavite, Rizal, Biliran, Southern Leyte, at Basilan.

Alexandria Denisse San Juan