Umabot sa mahigit 11,000 nitong Enero ang mga bagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Muntinlupa City dahil sa mas nakahahawang Omicron variant na kumakalat sa National Capital Region (NCR).
Lumabas sa datos ng Muntinlupa City Health Office (CHO) na mula Enero 1 hanggang 31, nakapagtala ang lungsod ng 11,402 bagong kaso ng COVID-19 habang ang mga kumpirmadong kaso nito ay tumaas mula 27,742 hanggang 39,144.
Ito ay umakyat sa 11,285 kaso, o 9,545 porsyento, mula sa 117 na bagong kaso na naitala noong nakaraang buwan. Noong Disyembre, ang mga bagong kaso ng Muntinlupa ay tumaas mula 27,565 noong Disyembre 1 hanggang 27,682 noong Disyembre 31.
Noong Enero, ang bilang ng mga pasyenteng gumaling mula sa COVID-19 sa lungsod ay umabot sa kabuuang 11,017, na tumaas mula 27,032 noong Enero 1 hanggang 38,049 noong Enero 31. Ito ay tumaas ng 10,942 na mga nakarekober na pasyente mula sa 75 lamang noong Disyembre.
Noong Enero 31, ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Muntinlupa ay umabot sa 496, na bumaba mula sa 3,237 na naitala noong isang linggo noong Enero 25.
Ang We Heal As One isolation at quarantine facility ng Muntinlupa sa Barangay Tunasan ay mayroon lamang apat na pasyente, o 3.33 porsiyento ang occupancy sa 120 available na kama.
Pinaalalahanan ni Mayor Jaime Fresnedi ang publiko na mahigpit na sundin ang mga minimum public health standards kabilang ang pagsusuot ng face mask, physical distancing at paghuhugas ng kamay, at hinimok silang magpabakuna.
Ibinaba ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang alert level ng NCR sa 2 na magkakabisa mula Pebrero 1 hanggang 15.
Sa public briefing ng “Laging Handa” noong Enero 31, sinabi ni Undersecretary Jonathan Malaya ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na lubos na sinusuportahan ng departamento ang hakbang dahil bumaba ang bilang ng mga bagong kaso sa NCR.
Aniya, ang average na bilang ng mga bagong kaso sa NCR ay nasa 13,200 noong isang linggo at bumaba ito sa 4,398.
“We think that it is time that (NCR) be placed under Alert Level 2,” sabi ni Malaya.
Dagdag pa niya, sa Alert Level 2 sa NCR, ang “no vaccination, no ride” policy na ipinatupad ng local government units (LGUs) sa Metro Manila ay hindi na magkakabisa dahil ito ay applicable lang simula Alert Level 3 pataas.
“Since we are under Alert Level 2 starting tomorrow [Feb. 1], this can no longer be implemented,” dagdag niya.
Sinabi ni Malaya na mananatili pa rin ang mga checkpoint ng pulisya sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3.
Jonathan Hicap